CHAPTER 10

Seryoso akong nakatingala kina Vencel, Raegan, Eomund at Cederic. Nagtagisan kami ng tingin sa isa't isa. Humigpit ang paghawak ko sa aking palda. Kahit sa totoo lang ay naninindig ang balahibo ko. Ganito pala ang feeling kapag kaharap mo sila sa ganitong sitwasyon. Mabuti nalang ay myembro ako ng Imperial Family. Ano pa kaya kung hindi, diba? Mas nakakaloka na makaharap mo ang presensya ng mga Eryndor! Ganito pala ang feeling kapag nagrequest for audience ka!

"Anong ibig sabihin nito, Prinsesa Styriniana?" seryoso at matigas na tanong ni Vencel sa akin.

Marahan akong pumikit saka bumuga ng malalim na buntong-hininga. Magsasalita pa sana ako pero natigilan ako nang makita ko sila sa lagay ngayon. Si Vencel ay parang nanginginig na, pinipigilan niyang matawa. Si Raegan ay yumuko pero nanginginig din, halatang pinipigilan din na matawa. Habang ang dalawa ko pang kapatid ay tinatakpan ang kanilang mukha at bibig. Iniiwasan nilang maoffend ako. Err...

"Nais kong imungkahi na mananatili sa poder ng Cyan ang prinsipe ng Severassi." malakas kong sambit. "Papa! Mga kuya! Huwag po kayong tumawa! Seryoso po ako!"

"Ipagpaumanhin mo, Prinsesa Rini. Hindi namin mapigilan ang aming mga sarili na matawa." wika ni Raegan, pinunusan ang mga kumawalang luha. Kakatigil niya 'yan sa pagtawa!

Pinalobo ko ang aking magkabilang pisngi na kunot ang noo. Hindi ko mapigilang mapikon kaya ganito nalang ang ginagawa ko. Pero sa halip na maging seryoso pa lalo sila ay mas lalo pa sila natutuwa. Hindi ko malaman kung nanadya ba sila o nang-aasar.

"Oh siya, ipagpatuloy natin ang usapin na ito." wika ni Vencel na pinunasan na din niya ang kaniyang mga mata. "Nasabi mo nga sa amin na nais mong manatili ang prinsipe sa poder natin. Ngunit sa anong dahilan, Prinsesa Styriniana?"

Umuusok na ang ilong ko dahil sa kaseryosohan. "Sa tingin ko ay magiging ligtas siya dito. Dahil may mga taong nagtatangka sa kaniyang buhay."

Doon ay natigilan sila. Naging seryoso na ang kanilang mukha. Basta buhay na ang usapin ay nagiging seryoso na sila. So, this is the right key! "May nagtatangka sa kaniyang buhay? Papaano mo nalaman ang bagay na 'yon?" si Raegan naman ang nagtanong.

Kinagat ko ang aking labi. "Dahil... Nakita ko po ang kaniyang nakaraan..."

Pareho silang natigilan ulit sa aking ibinunyag. "I-ibig sabihin..."

"Nagkakatotoo na ang pangitain para sa Prinsesa?" hindi makapaniwalang bulalas ni Raegan. "Tulad ng sinasabi sa propesiya?"

"Pero, iyong kamahalan, unang prinsipe... Ang sabi sa propesiya, kapag tumuntong ang prinsesa sa ikalabing-pito niyang kaarawan, doon na lalabas ang kaniyang kapangyarihan." sunod na nagsalita ay si Eomund.

Ako naman ang nagulat sa naging pahayag ng pangalawang prinsipe. Wait, ibig sabihin... Kapag seventeen years old na ako, doon ko na magagamit ang kapangyarihan na meron ako? Kaya ba kahit anong gawin ko para makita ko ang mga dapat kong makita ay ayaw gumana? Dahil pala doon? Pero pangalawang beses na akong may nakita. Isa mula sa hinaharap at ang isa naman ay mula sa nakaraan. Kinuyom ko ang aking kamao. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga natuklasan at napagtanto ko. Ibig sabihin, masyado pa pala maaga para sanayin ko ang sarili ko para lumabas ang buong potensyal ng skills na meron ako.

"Iyan ang sabi." rinig kong tugon ni Raegan. "Ngunit, mas maaga ay mas maganda. Tiyak na mapaghandaan natin nang husto kung anuman ang mga masasamang pangitain na makikita ni Prinsesa Rini."

Rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Vencel. "May punto si Raegan pero mas maigi na huwag pwersahin ni Rini ang kaniyang sarili." malumanay niyang saad.

Yumuko ako. Nanatiling nakayukom ang aking mga kamao. "Mahal na Emperador..."

"Ano 'yon, Prinsesa Rini?"

I gritted my teeth. Medyo nag-aalangan ako kung sasabihin ko ba sa kaniya ang bagay na ito. Pero kailangan kong piliin ang tama sa gayon ay maiwasan ang dapat iwasan sa hinaharap tulad ng sabi ni Raegan. "Nakikita ko din na... Babagsak ang Imperyo."

"A-anong..." rinig kong ang pagkagulat sa kanilang tinig. "A-anong eksakto nakikita mo, Rini?"

Kinagat ko ang aking labi. "Nakita ko po na... Masisira ang buong kaharian. Nakikita ko ang mga malalaking apoy sa paligid. Nasira na din po ang mga gusali." napahawak ako sa aking dibdib. Tumingin ako nang diretso sa kanilang mga mata. "Nakita ko din po na... I-iniwan ninyo ako..." hindi ko mapigilang mapaluha sa harap nila.

Nabato sila nang makita nila ako Ilang saglit pa ay tumayo sila para daluhan ako. Lumuhod sila sa harap ko. Hinawakan ni Vencel ang magkabilang balikat ko. Si Raegan naman ay dumapo ang kaniyang palad sa aking ulo. Sina Eomund at Cederic naman ay hinawakan ang magkabilang kamay ko. "Rini..." nag-aalala nilang tawag sa akin.

"Ayoko pong iwan ninyo, mga kamahalan. H-hindi ko po kayang mag-isa..." pagtatangis ko sa harap nila. Pumikit ako ng mariin. "Kaya gusto ko po mag-aral na. Gusto ko pong pag-aralan lahat ng bagay. Kahit sa larangan ng pakikipagdigma, kusa ko po pag-aralan 'yon sa gayon ay maprotektahan ko din po kayo. Lahat gagawin ko, para hindi ninyo ako po i-iwan."

"R-Rini..." hindi makapaniwala nilang tawag sa akin.

Mahigpit nila ako niyakap. Sa loob ng mahabang panahon ay nagawa kong sambitin ang mga bagay na nais kong sabihin sa kanila noong una palanh. Nagawa kong sabihin kung ano ang goal ko. Hindi lang para sa mga Eryndor, ganoon din sa buong Imperyo. Hinding hindi ako makakapayag kunin sila sa akin sa pangalawang buhay na meron ako. Oo, naging nasanay ako sa dati kong buhay pero sa huli ay nag-iisa nalang ako. Pero sa pagkakataon na ito, hindi ko maitatanggi na na-attach na ako sa kanila. Na sila nalang ang meron ako sa buhay na ipinagkaloob sa akin.

**

"Hindi ko alam na ganito pala ang iniisip niya kahit na araw-araw natin siya nakakasama sa iisang bubong." malungkot na wika ni Raegan.

Kasalukuyan silang nasa silid ni Rini. Nakatulog na ito pagkatapos umiyak sa harap nila. Kahit sina Eomund at Cederic ay hindi makapaniwala sa kanilang narinig mula sa bunso nilang kapatid.

"Ganito pala kabigat ang dinadala niya." malumanay na sambit ni Eomund, marahan niyang hinawakan ang isang kamay ni Rini. "O sadyang hindi lang natin inaalam kung ano ang nararamdaman niya? Kung ano ang mga naiisip niya?"

Tahimik na nakatitig si Vencel sa bunsong anak. Hindi niya maitanggi na maalala ang isang babae na punung-puno din ng misteryo sa pagkatao nito. Si Lorah. Ang kinikilalang ina ni Rini. Kahit ang pagkamatay nito ay isa ding napakalaking misteryo. Hindi niya alam kung ano ang naging sakit na dumapo dito hanggang sa binawian ito ng buhay. Hindi niya sukat-akalain na dalawang babae sa kaniyang buhay ay mamamana ng kaniyang bunsong anak. Kung ang ugali ni Lorah ay namana ng prinsesa, ang pisikal nitong anyo naman ay nakuha niya sa yumao na dating minamahal na Emperatris ng Cyan---si Theavia.

Marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. Masuyo niyang hinawakan ang isa ding kamay ni Rini. Dinampian niya ito ng halik sa likod ng palad nito.

"Kamahalan," nag-aalalang tawag sa kaniya ni Raegan.

"Raegan, siguro ay kailangan nating sundin kung anuman ang nakikita ni Rini." seryoso niyang wika. "Kailangan nating iwasan kung ano ang nakikita niya para sa hinaharap."

Bahagya siyang yumuko. "Masusunod po."

"Kahit ako, hindi ko rin kayang iwan si Rini. Ni minsan ay hindi sumagi sa aking isipan na makikita siyang nag-iisa balang araw." nanlilisik ang kaniyang mga mata. "Ngayon palang, kailangan na natin maghanda upang hindi tuluyang bumagsak ang Imperyo na itinatag ng ating ninuno."

"Sang-ayon po ako, kamahalan." sabat ni Cederic.

Marahang bumitaw si Vencel mula sa pagkahawak niya kay Rini. Hinarapan niya ang kaniyang panganay na anak. "Gagawin ko ang hinihiling ni Rini. Hahayaan ko siyang mag-aral." hinarap niya ang kaniyang royal courtier na si Conde Vogel Gourael. "Ipatawag mo ang asawa ni Makwis Edgar ng Ashpond. Ihayag mo na nais kong maturuan niya ang prinsesa sa Akademiko."

Yumuko si Conder Vogel. "Naiitindihan ko po, kamahalan."

"Ang tanging iniisip ko nalang ay kung anong sandata na nararapat para sa kaniya. Nasabi niya sa atin na nais niyang matutunan ang pakikipaglaban." naniningkit ang kaniyang mga mata. "Pero masyadong mahirap para sa kaniya na humawak ng espada. Ayokong makikita na nababahiran siya ng dugo at gumawang pumatay. Ayokong dumihan ang mga kamay niya."

"Bakit hindi ninyo pong subukan na ipatawag ang prinsipe ng Severassi?" nakangiting suhesyon ni Conde Vogel.

Sabay tumingin sa kaniya ang mag-aama. Sa mga tingin na 'yon ay kulang nalang ay paslangin siya.

"Anong... Ibig mong sabihin... Conde Vogel Gourael?" may bahid na pagbabanta sa boses ni Vencel.

Ngumiwi ang Conde. "Hindi po ba't magagaling din sa pakikipagdigma ang mga mandirigma ng Severassi? Hindi man nila kagalingan na makipaglaban ng malapitan, pero mas kilala sa pagpatay mula sa malayuan."

Tila may napagtanto si Vencel sa ibig ipahiwatig ng Conde. Umawang ang kaniyang bibig nang sumagi sa kaniyang isipan ang isang bagay. "Tama, magaling sila sa pamamana. Wala silang mintis sa mga taong patatamain nila..." pero bigla siyang sumimangot.

"Kung babae lamang siya, wala kaming aalalahanin." biglang sabat ni Raegan. "Pero, hindi ko maipagkaila na magagaling nga ang mga Severassian sa pamamana."

Naputol ang usapan nila nang biglang may kumatok sa pinto ng silid. Sabay silang napatingin doon. May pumasok na isang lalaki. "Patawad sa panghihimasok, mga kamahalan. May hindi inaasahang bisita na nakarating sa Palasyo." pormal nitong sabi.

"Sino ang hindi inaasahang bisita na ito?" tanong ni Vencel, seryoso ang mukha.

"Ipinakilala niya ang kaniyang sarili na personal siyang tagapaglingkod ng prinsipeng tagapagmana mula sa Imperyo ng Oloisean. May dala daw po siyang mensahe para sa kamahalan, ang Emperador ng Cyan."

Huminga ng malalim si Vencel. "Kung ganoon ay hintayin na lamang ako sa silid ng pagtanggap." mahinahon niyang utos.

"Masusunod po." yumuko pa ito bago man tuluyang lumabas para iparating ang mensahe.

Nang nakaalis na ang mayordomo ng Palasyo ipinagpatuloy pa niya ang kaniyang sasabihin. "Ipahayag sa prinsipe ng Severassi na kailangan ko siyang makausap ukol sa hinihiling ng prinsesa. Sa ngayon ay maiiwan ko muna kayo. Inaasahan ko kayo." tinalikuran na niya ang mga ito hanggang sa naiwan na niya ang silid ng prinsesa.

Ilang saglit pa ay nakarating na si Vencel sa Throne Room, kung saan niya kikitain ang personal na tapaglingkod ng tagapagmana ng Imperyo ng Oloisean. Sa totoo lang, neutral lang ang relasyon niya sa bawat Imperyo. Kung iimbitahan siya sa mga seremonyas ng mga ito ay nagagawa pa rin niyang dumalo, pero hindi siya ang unang lumalapit sa mga ito. Wala siyang balak na makipagkaibigan o maging kalaban sa mga ito. Sadyang nag-iingat lang siya sa anumang babalakin ng bawat Imperyo lalo na't pinakamalakas na bansa ay ang Cyan na umabot na ng ilang daan taon nang nakalipas. Ni minsan ay hindi ito bumagsak. Kaya hindi nakakapagtataka para sa kaniya na may mga nais na sumaksak sa kaniya mula sa likod.

Kaya nang dumating ang bunsong anak na si Stryriniana Filaurel Eryndor, na sinasabing susi upang mas lalo maging tagumpay ang Imperyo, hindi siya nagdadalawang-isip na alagaan at itatrato na parang kayamanan ang sanggol. Higit sa lahat, ito ang bunga ng ng kanilang pagmamahalan. Ang sanggol na 'yon ang tanging alaala niya para dito.

Narating ni Vencel ang gintong trono saka umupo doon. Tulad ng dati, isinuot niya ang kaniyang seryoso at nakakatakot na mukha sa taong haharapin niya ngayon.

Kusang nagbukas ang pinto. Pumasok mula doon ang lalaki na sinasabing personal na tapaglingkod mula sa Oloisean.

Humakbang ito palapit nang kaunti sa kaniya. Yumuko at binati siya. "Pagbati mula sa Kaharian ng Oloisean, mahal na Emperador ng Cyan." magalang at pormal nitong bati sa kaniya.

"Ibig mo daw akong makausap. Ano ang sadya mo sa aking Kaharian?"

May inilabas ito mula sa kaniyang bulsa. Isang kulay pelus (velvet) na asul na sobre. Lumapit ang mayordomo na may dalang tray na yari sa ginto. Inilapag doon ang naturang sobre saka inabot ang sulat kay Vencel. Tahimik at seryoso niya tinanggap 'yon. Tiningnan niyang anh seal. Nakaukit doon ang family crest ng Albelin. Binuksan niya ang sulat saka binasa niya ito. Naniningkit ang mga mata niya. Nakasaad sa sulat na iniimbitahan siya pati ang mga myembero ng pamilya ng mga Eryndor sa selebrasyon ng kaarawan ng tagapagmana na si Dilston Albelin. Wala naman sinasabi sa sulat na gaganapin na koronasyon.

Pagkatapos niyang mabasa ito ay dumapo ang tingin niya sa mensahero. "Tinatanggap ko ang paanayaya ng mga Albelin. Aasahan ninyong makarating kami sa araw na ito."

Muli yumuko ito. "Maraming salamat po sa oras, Kamahalan." hanggang sa nakaalis na ito sa silid.

Nang nawala na ito sa kaniyang paningin ay hindi maiwasan ni Vencel na pumikit nang mariin, kasabay na ikinuyom ang kaniyang mga kamao. Nanginginig ito sa panggagalaiti.

"Elias," tawag niya sa kaniyang mayordomo.

Bahagya itong yumuko. "Ano po 'yon, Kamahalan?"

"Bigla ako nagdalawang-isip. Kung isasama ko ba ang prinsesa sa pagdiriwang."

"Ano pong ikinabahala ninyo, Kamahalan?"

Umigting ang kaniyang panga. "Tiyak dadalo din ang ibang prinsipe mula sa kabilang Imperyo. Hindi ako magkakamali, una nilang pagtutuunan ng pansin ay ang prinsesa. Dahil likas na nakakatuwa at kahali-halina ang bunso kong anak, hindi sila magdadalawang-isip na ipagkakasundo ito ng kasal!"

Ngumiwi ang mayordomo. "A-ah... Hindi kaya masyado pong maaga para maisip ninyo ang bagay na 'yan?"

Napahilamos ng mukha si Vencel sa pamomoblema niya.

**

Mula sa isang malawak at magarbong silid ng isang binatilyo ay tahimik siyang humihigop ng isang mainit at masarap na tsaa mula sa kaniyang pagmemeryenda. Natigilan siya't inikot ang kaniyang mga mata nang marinig niya na biglang may nakatok sa pinto. Inilayo niya ang hawak niyang tasa mula sa kaniya. Marahan niya ito ibinalik sa mababang mesa.

Kusang nagbukas ang pinto. Tumambad sa kaniya ang isa sa mga tauhan niya. May dala itong trey na gawa sa ginto. Humakbang ito palapit sa kaniya saka ianbot ang naturang telegrama. Kinuha iyon saka binuksan. Binasa niya ang nakasulat. Sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi saka ibinalik niya ito sa sobre. Ipinatong niya iyon sa mababang mesa na katabi lang ng tasa.

Tumayo siya mula saka dinaluhan ang balkonahe. Hindi mawala ang ngiti sa kaniyang mga labi. Nilapitan niya ang railings ng balkonahe. Dinadama niya nag malamig at sariwang hangin na dumadapo sa kaniyang balat. Wala siyang pakialam kung nasayaw man sa hangin ang kaniyang buhok.

"Ano pong magiging pasya ninyo, kamahalan? Dadalo na po ba kayo sa pagtitipon na ito?" magalang na tanong sa kaniya ng kaniyang tauhan.

Bago man niya sagutin ang katanungan nito ay napahawak siya sa kuwintas---ang kapares na kwintas na binigay niya sa prinsesa ng Cyan.

"Mukhang wala na akong magagawa pa kungdi dumalo na din, Egos." nilingunan niya ito. "Hindi na ako makapaghintay na makita siya muli."

"Sino po ang tinutukoy ninyo?" nagtataka pa nitong tanong.

Tumingin siya sa kalangitan. "Ang ugat ng aking puso."

Tinagilid ni Egos ang kaniyang ulo, mas lalo siya naguguluhan sa sinasabi nito. Patuloy pa rin niya nilalaro ang bato ng kaniyang kwintas.

Tumikhim siya. "Dalawang linggo nalang ang nalalabi bago ang kaarawan ng prinsipe ng Oloisean. Maghanda na kung anong susuotin ko para sa espesyal na araw. Gayundin sa ihahandog na regalo." pormal niyang utos kay Egos.

Yumuko ito saka umalis na sa kaniyang silid. Naiwan nang mag-isa ang prinsipe sa naturang silid. Muli siya tumingala sa kalangitan. Matamis siyang ngumiti. "Kung may kakayahan lang akong pabilisin ang oras sa gayon ay nasa takdang edad ka na, at kung may kakayahan lang din akong pabagalin ang oras sa tuwing kasama kita."

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download MangaToon APP on App Store and Google Play