Bound by Ink (Tagalog)

Bound by Ink (Tagalog)

Kabanata 1

Sa isang tahimik na bayan na tila hindi naapektuhan ng mabilis na pagbabago ng mundo, naninirahan ang isang dalagang nagngangalang Joanna. Labing-walo lamang siya, ngunit para bang ilang buhay na ang kanyang naranasan hindi dahil sa aktwal na karanasan, kundi dahil sa kanyang mga binabasang nobela. Kung may isang bagay na hindi niya kayang iwan, iyon ay ang kanyang mga aklat.

Araw-araw matapos ang klase, diretso siya sa maliit nilang sala upang magbasa. Kung hindi man sa kanilang bahay, sa parkeng malapit sa eskwelahan siya nagbababad. Sa bawat pahina, lumilipad ang kanyang imahinasyon. Ngunit sa dami ng librong kanyang nabasa, isa lamang ang paulit-ulit niyang binabalikan "Mga Lihim ng Kaharian ng Liora" isang kwento ng pag-ibig, digmaan, at mahiwagang kaharian. At higit sa lahat, isang lalaking nagngangalang Ethan.

Si Ethan ay isang matapang, matalino, at makisig na mandirigma ng Kaharian ng Liora. Ang kanyang panata sa prinsesa ng kaharian, si Princess Lori, ay sagrado at kahit masakit para kay Joanna, inaamin niyang perpekto ang kanilang tambalan. Ngunit sa puso niya, si Ethan ang lalaking hindi niya mahahanap sa tunay na buhay. Isang karakter lamang, ika nga. Isang kathang-isip.

Isang Sabado ng hapon, habang hawak-hawak ang kanyang luma at medyo kupas nang kopya ng nobela, naglakad si Joanna papunta sa parke. Gusto niya sanang matapos na ang ikapitong ulit ng pagbasa niya sa aklat, ngunit may kakaiba siyang pakiramdam noon, parang may paparating.

Huminto siya sa paborito niyang puwesto, sa ilalim ng malaking puno ng acacia, malapit sa fountain. Naupo siya, binuklat ang aklat, at nagsimulang basahin ang bahagi kung saan unang hinawakan ni Ethan ang kamay ni Princess Lori.

"‘Kahit kailan, hindi kita pababayaan, Lori,’ bulong ni Ethan habang pinipigil ang pagdaloy ng kanyang luha."

Tumigil si Joanna sa pagbasa. Inilapit niya ang aklat sa kanyang dibdib. “Sana ako si Lori,” bulong niya sa hangin.

Ngunit bago pa man siya makapikit muli upang ipagpatuloy ang kanyang imahinasyon, isang boses ang pumukaw sa kanyang atensyon.

"Lori, dito ka lang. Maghahanap lang ako ng maiinom."

Mabilis na bumangon si Joanna. Hindi dahil sa pangalan, kundi dahil sa boses. Parang narinig na niya ito dati. Pamilyar. Malamig ngunit malambing. Eksaktong boses na binubuo niya sa kanyang isipan tuwing binabasa niya ang mga linya ni Ethan.

Napalingon siya sa direksyon ng boses. At doon, sa di kalayuan, may nakatayong lalaki, matangkad, moreno, matikas ang katawan. May suot itong simpleng itim na t-shirt at maong. Ngunit higit sa lahat, ang mukha nito… hindi maaaring magkamali.

Si Ethan.

Hindi siya makagalaw. Tila nawala ang kanyang paghinga. Sa tabi ng lalaki, may nakaupong babae. Mahaba ang buhok, may suot na eleganteng kulay-lilang dress, at hawak ang isang bulaklak. Ang kanyang postura, ang ngiti niya… Siya si Princess Lori.

"Imposible," mahina niyang sambit. "Hindi… Hindi ito totoo."

Napatitig si Joanna sa lalaki habang ito’y lumalapit sa vending machine. Pagtalikod ng lalaki, tila naputol ang trance niya. Mabilis niyang tinikom ang aklat, ngunit hindi siya makaalis sa kinatatayuan.

"Reality check. Joanna, gising!" bulong niya sa sarili habang sinasampal-sampal ang kanyang mukha. "Baka sobrang dami mo lang talagang nabasa."

Ngunit nang muling bumalik ang lalaki at umupo sa tabi ng babae, hindi na niya napigilan ang sarili. Lumapit siya. Unti-unti, may pag-aalinlangan, ngunit may hinahanap na sagot.

Nang makarating siya sa tapat ng fountain, malapit sa dalawa, napansin niyang may kakaibang liwanag sa paligid ng lalaki. Parang hindi siya talaga bahagi ng mundong ito. Parang… galing sa ibang dimensyon. Nagpalinga-linga siya upang tignan ang mga tao sa paligid niya upang makita ang pagkakaiba at kung napapansin din nila ang dalawa ngunit tila ba siya lamang ang nakakakita sa mga ito.

At bigla, lumingon ang lalaki.

Nagtagpo ang kanilang mga mata.

Biglang kumabog nang malakas ang puso ni Joanna.

"Ethan?" mahina niyang tanong, hindi inaasahang maririnig ito ng lalaki.

Ngunit ngumiti ito. Isang ngiti na pamilyar, isang ngiti na palaging inilalarawan sa aklat.

"Joanna?"

Biglang nanghina ang tuhod niya. Paano niya nalaman ang pangalan niya?

Tumingin si Ethan kay Princess Lori, na ngayon ay nakatingin din kay Joanna. Ngunit imbes na mainis o magtaka, ngumiti lang ang prinsesa.

“Siya na nga,” mahinang sambit ni Princess Lori. “Ang babaeng hinahanap mo.”

Episodes

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download NovelToon APP on App Store and Google Play