“Dahan-dahan sa paglakad,” bulong ni Ethan habang hawak ang kamay ni Joanna. “Ang lupa ng Kagubatang Hilaga ay may sariling buhay.”
Naglalakad sila sa gitna ng isang mahiwagang gubat hindi ito tulad ng karaniwang kagubatan. Ang mga punongkahoy ay kulay pilak at tila may sariling pulso, ang mga dahon ay may makintab na liwanag, at ang hangin ay may kasamang alingawngaw ng mga bulong na hindi mawari.
“Bakit parang… may mga matang nakatingin sa atin?” tanong ni Joanna, nililingon ang paligid.
“Dahil may mga matang nakatingin nga,” sabat ni Princess Lori mula sa likod nila. “Ang Kagubatang Hilaga ay pinamumugaran ng mga Aninong-Bantay, mga espiritu ng mga sinaunang tagapagsalaysay. Hindi sila nananakit, ngunit sinusubok nila ang mga hindi karapat-dapat.”
“Subok?” kinabahan si Joanna. “Anong klaseng pagsubok?”
Hindi pa man nasasagot ang tanong niya, biglang may kumidlat sa langit. Isang tunog ng kampana ang bumagsak mula sa itaas, at ang mga puno ay nagsimulang magliyab hindi apoy na kulay pula, kundi asul, malamig, at kumikislap.
“Tumigil kayo!” isang tinig ang umalingawngaw.
Mula sa kawalan, unti-unting lumitaw ang isang nilalang. Siya ay nakasuot ng balabal na gawa sa mga pahina ng libro bawat hakbang niya ay may kasamang paglipad ng tinta sa hangin.
“Ako si Elyzar, ang Tagapagbantay ng Aklat na May Kaluluwa. Sino sa inyo ang bagong Tagapag-kwento?”
Napalunok si Joanna. “A-ako…”
“Kung gayon, dumaan ka sa pagsubok ng Katotohanan,” bulalas ni Elyzar. “Ang kwento ng Liora ay hindi basta sinusulat ito ay nararanasan. At ang may-akda, kailangang makaharap ang pinakamalalim niyang takot.”
Isang buhawi ng tinta ang bumalot sa paligid ni Joanna. Nahulog siya sa isang tila walang katapusang kailaliman. Ngunit sa halip na tumama sa lupa, siya ay bumagsak sa isang salamin at sa salamin, nakita niya ang sarili niya… ngunit hindi siya.
Ang Joanna sa loob ng salamin ay malamig ang tingin, punong-puno ng pagdududa.
“Hindi mo sila maliligtas,” wika ng repleksyon. “Isa kang duwag. Isa ka lang tagahanga, hindi isang bayani.”
“Hindi totoo ‘yan,” anang tunay na Joanna, nanginginig.
“Pilit mo lang akong kinokontra, pero alam mong totoo ito. Hindi mo kayang magsulat ng isang bagong mundo. Ang kaya mo lang ay magbasa ng kwento ng iba.”
Tila lalong lumalakas ang hangin sa paligid. Nagsimulang mabasag ang salamin.
Ngunit…
Naalala ni Joanna ang unang aklat na binasa niya noong bata pa siya. Isang simpleng kwento tungkol sa isang batang umakyat sa bundok para hanapin ang bituin. Umiyak siya noon, dahil nakita niya ang sarili sa batang iyon, walang takot sa kabila ng takot.
Huminga siya nang malalim.
“Kung totoo man ang mga takot ko, haharapin ko sila. Hindi ko kailangang maging perpekto para maging bayani. Ang kailangan ko lang… ay ang maniwala.”
Sa isang iglap, pumutok ang liwanag mula sa kanyang dibdib. Ang paligid ay nabalot ng liwanag. Ang repleksyon ay nabasag, at sa gitna ng liwanag, bumalik siya sa harap nina Ethan, Lori, at Elyzar.
Tahimik ang lahat.
Tumango si Elyzar. “Tinanggap mo ang Katotohanan. Hindi mo tinalikuran ang takot, hinarap mo ito. Isa kang tunay na Tagapag-kwento.”
Mula sa balikat ni Elyzar, bumaba ang isang lumilipad na aklat. Ang pabalat nito ay ginto at ang mga pahina ay blanco, ngunit mainit ito sa kamay ni Joanna.
“Isang aklat na may kaluluwa,” paliwanag ni Elyzar. “Ito ang magiging tagapagsalaysay ng iyong puso. Sa bawat damdamin, bawat hakbang, bawat desisyong gagawin m. Dito isusulat ang kasaysayan ng bagong Liora.”
Tumulo ang luha ni Joanna ng hindi dahil sa takot, kundi sa bigat ng bagong responsibilidad na handa na niyang tanggapin.
Ngumiti si Ethan at lumapit. “Nagawa mo. Hindi ko kailanman naisip na darating ang araw na ikaw ang magiging tagapagligtas namin.”
Ngunit bago pa siya makasagot, biglang may malakas na lindol. Yumanig ang buong kagubatan. Mula sa malayo, may makapal na usok na umakyat, itim na parang tinta ng poot.
“Nagising na si Sareth.” bulong ni Lori.
“Ang nilalang ng kadiliman… ang dating nilikha ng mga maling kwento,” dagdag ni Elyzar. “Ang tunay na kalaban ng sining, ang Paglimot.”
Napatingin si Joanna sa Aklat na May Kaluluwa. Kumislap ito ng pula, para bang alam na ang digmaan ay nalalapit na.
At sa isipan niya, bumuo siya ng unang pangungusap sa bagong kabanata ng Liora
“Sa oras ng dilim, isang ilaw ng puso ang sisiklab hindi upang matakot ang kadiliman, kundi upang ito’y maunawaan.”
***Download NovelToon to enjoy a better reading experience!***
Updated 9 Episodes
Comments