“Siya na nga,” bulong ni Princess Lori, habang nakatitig kay Joanna na nanatiling nakatayo sa harapan nila, hawak pa rin ang lumang kopya ng “Mga Lihim ng Kaharian ng Liora.”
Hindi makapagsalita si Joanna. Parang nanigas ang buong katawan niya. Sa isip niya, isa lang dapat itong panaginip. Walang kahit anong lohikal na paliwanag kung bakit ang lalaking kathang-isip lang ay nasa kanyang harapan, buhay at humihinga.
“P-Paano mo nalaman ang pangalan ko?” garalgal niyang tanong, nanginginig ang boses.
Lumapit si Ethan at ngumiti. “Matagal na kitang naririnig, Joanna.”
Napakunot ang noo niya. “Naririnig? Paano…?”
“Sa bawat pagluha mo habang binabasa ang kwento ko. Sa bawat pagbulong ng pangalan ko habang iniimagine mong hawak ko ang kamay mo. Sa bawat dasal mong sana, totoo ako,” sagot ni Ethan, mababa ang tinig na puno ng emosyon.
Pakiramdam ni Joanna ay tinamaan siya ng kulog. Hindi lang siya nabigla natakot siya. Totoo ba ito? Paano naging posible ang ganito?
“Hindi mo pa rin kami lubos na naiintindihan,” sabad ni Princess Lori, tumayo sa pagkakaupo at lumapit. “Ang aklat na hawak mo, Joanna… hindi lang basta aklat. Isa itong portal.”
Napaatras si Joanna. “Portal? Portal saan?”
“Sa kaharian ng Liora. Sa mundo namin,” sagot ni Lori. “Isang mundo ng mahika, ng digmaan, at ng… tadhana.”
“Hindi…” bulong ni Joanna. “Kayo’y kathang-isip lamang. Inimbento kayo ng may-akda.”
Napatingin si Lori sa kanyang kamay, saka ngumiti. “Oo, sa simula. Ngunit minsan, ang imahinasyon ng isang tao ay pwedeng magbigay ng buhay sa isang mundong dapat lang sanang manatili sa isip. Tulad ng nangyari sa amin.”
“Kung gayon, buhay kayo dahil… sa akin?” halos hindi makapaniwalang tanong ni Joanna.
Tumango si Ethan. “Ang damdamin mo ang naging susi. Hindi lang basta pagmamahal sa kwento, kundi ang tapat at dalisay mong paniniwala na totoo kami. Iyon ang nagpatibok muli sa puso ko, Joanna.”
Parang biglang tumigil ang oras. Hindi alam ni Joanna kung anong mararamdaman takot, tuwa, pagkabigla, o pagkalito. Ngunit isang bagay ang malinaw, hindi na ito simpleng kwento lang.
“Bakit kayo nandito? At… bakit n'yo ako hinahanap?” tanong niya.
Nagkatinginan si Ethan at Lori. May lungkot sa kanilang mga mata.
“May panganib sa mundo namin,” sagot ni Lori. “Muling bumangon ang kadilimang matagal nang isinara ng mga sinaunang tagapagbantay. Wala kaming sapat na lakas para labanan ito.”
“Hindi ba’t ikaw ang pinakamagaling na mandirigma sa Liora?” tanong ni Joanna kay Ethan, na para bang bumabalik siya sa kanyang mga binasang eksena.
“Dati,” sagot ni Ethan. “Ngunit nang mamatay ang tunay na may-akda ng kwento, unti-unting nawala ang kapangyarihang bumubuhay sa amin. Kailangan namin ng bagong ‘may akda.’ Kailangan namin… ikaw.”
“Ako?!” gulat niyang sigaw. “Wala akong talento sa pagsusulat! Isa lang akong mambabasa!”
Ngunit ngumiti si Lori. “Isang mambabasa na mas may malalim na damdamin kaysa sinumang manunulat. Isang puso na kayang magpanibago ng isang mundo.”
“Kung hindi mo kami matutulungan, tuluyan nang maglalaho ang Liora. Mawawala ang lahat… pati si Ethan,” dagdag ni Lori, sabay tingin sa kasama.
Napatingin si Joanna kay Ethan. Hindi siya makatingin ng diretso, parang nahihiya, pero may bahid ng panalangin sa kanyang mga mata. Gusto niyang tanggihan. Gusto niyang sabihing hindi niya kaya, na imposibleng iligtas niya ang isang mundong hindi naman dapat totoo. Ngunit sa tuwing nakikita niya ang mukha ni Ethan, tila may parte sa kanyang puso ang naglalakas-loob.
“Paano?” tanong niya, mahina.
“Simulan mo ang bagong kabanata,” sagot ni Ethan. “Ikaw na ang may hawak ng kwento ngayon.”
Itinaas ni Lori ang palad, at sa isang iglap, lumiwanag ang paligid. Ang luma at kupas na aklat ni Joanna ay kumislap at bumuka nang kusa. Sa bawat pahina, unti-unting nabubura ang mga lumang kwento. Isang bagong kabanata ang lilitaw blangkong papel.
“Isipin mo lang,” bulong ni Lori. “Isulat mo sa isipan mo ang simula ng bagong paglalakbay. At doon magsisimula ang lahat.”
Huminga ng malalim si Joanna. Sa isip niya, binuo niya ang unang pangungusap
“Sa isang gabi ng dilim at katahimikan, muling sumiklab ang apoy ng pag-asa.”
Biglang lumiwanag ang paligid.
Ang hangin ay biglang naging malamig at amoy ng sinaunang kahoy. Nawala ang parkeng kinatatayuan niya. Ang paligid ay napalitan ng makapal na kagubatan, may liwanag na kulay bughaw sa langit, at may maririnig na huni ng mga nilalang na tila hindi sa mundong kanyang kinagisnan.
“H-hala…” napabulalas si Joanna. “Nandito na tayo sa Liora?”
Tumango si Ethan. “At ito ang simula ng ating tunay na kwento.”
***Download NovelToon to enjoy a better reading experience!***
Updated 9 Episodes
Comments