Kabanata 4

Ang langit sa Liora ay nabalot ng itim, hindi ng gabi, kundi ng isang makapal na usok na tila may buhay. Ang hangin ay mabigat, parang may bumubulong sa tenga ng bawat nilalang “Kalilimutan ka nila. Mawawala ka.”

Sa gitna ng kagubatan, nakatayo si Joanna, mahigpit na hawak ang Aklat na May Kaluluwa. Nakasama niya sina Ethan at Princess Lori, ngunit ang kanilang mga mata ay puno ng kaba. Sa di kalayuan, umaalimbukay ang anino at sa pusod ng dilim, lumilitaw ang nilalang na minsang ikinubli ng kasaysayan Sareth, ang nilalang ng Paglimot.

Isang nilalang na gawa sa tinta ng nakalimutang kwento, binubuo ng sigaw ng mga tauhang hindi nabigyan ng boses, ng mga damdaming hindi naipahayag. Ang mukha nito ay walang anyo nagbabago-bago, parang salamin ng mga bangungot.

“Ang liwanag mo’y walang saysay,” bulong ni Sareth, ang boses ay tila maraming tinig na nagsasalita ng sabay. “Hindi mo kayang bawiin ang isang mundong nakalimutan na.”

Ngunit hindi na gaya ng dati si Joanna. May takot pa rin sa kanyang puso ngunit sa likod ng takot ay may apoy. Dahan-dahan niyang binuksan ang Aklat na May Kaluluwa, at habang sinusulat ng isip niya ang mga salita, lumilitaw ang mga ito sa pahina, may sinag na lumalabas mula sa bawat titik

“Sa bawat kwento, may karapatang marinig. Sa bawat tauhan, may kwento’t damdamin. Hindi sila nalilimot dahil hindi ko papayagan.”

Sa iglap na iyon, isang liwanag ang lumabas mula sa aklat, isang ilaw na hindi nakakasilaw, kundi mainit, magaan, at mapagpaalala. Tumama ito kay Sareth.

Napaurong ang anino, tila nasusunog sa ilaw, ngunit hindi ito sumigaw sa sakit bagkus, tila… naluha.

“Bakit mo ako binibigyan ng liwanag?” tanong ni Sareth, habang dahan-dahang lumiliit ang kanyang hugis. “Hindi ba ako ang dapat mong kalabanin?”

“Dahil hindi lahat ng dilim ay dapat labanan,” sagot ni Joanna, lumapit siya. “May dilim na nangangailangan ng pag-unawa. Maraming kwento ang nalimot at isa ka sa mga iyon.”

Tila nabigla si Ethan at Lori sa sagot ni Joanna. Dati, sa kwento, si Sareth ang halimaw. Ngunit ngayon, ang halimaw ay mukhang isang batang iniwan, nilimot, at hindi narinig.

“Bago pa ako naging kadiliman,” wika ni Sareth, “isa rin akong karakter. Ako si Elyon ang tauhang isinulat ng isang batang manunulat na walang tiwala sa sarili. Hindi ako tinapos. Hindi ako pinaniwalaan. Kaya ako naging anino sa paglipas ng panahon.”

Tumulo ang luha sa mata ni Joanna.

Ang kanyang hawak na aklat ay muling nagliwanag.

“Kung ganoon,” sabi niya, “hayaan mong isulat ko ang wakas mo.”

Lumuhod si Joanna at isinulat sa aklat

 “Si Elyon ay isang batang nilikha mula sa imahinasyon, ngunit may puso. Sa wakas, may nakarinig sa kanyang boses. At dahil doon, siya’y naging liwanag ng mga nawawalang kwento.”

Sa pagsara ng pahina, ang anino ni Sareth ay naglaho. Sa kanyang lugar, naiwan ang isang munting bola ng liwanag, na parang puso—sumanib ito sa gitna ng Aklat na May Kaluluwa.

Tahimik ang paligid.

Tila nahinto ang oras sa Liora.

Ngunit sa katahimikan, unti-unting lumabas ang mga nilalang ng Liora, mga tauhang minsang nawala, nabura, nakalimutan. Ang kanilang mga mata ay kumikislap sa pag-asa.

Lumapit si Lori at lumuhod sa harap ni Joanna. “Hindi mo lang kami iniligtas, Joanna. Binigyan mo kami ng panibagong pagkakataon na maramdaman, marinig, at mahalin.”

Tumango si Ethan, lumapit at hawak-hawak ang kamay ni Joanna. “Isa ka nang ganap na Tagapag-kwento. Hindi dahil isinulat mo ang kwento… kundi dahil pinili mong unawain ang kalaban.”

Sa pagbalik nila sa sentro ng Liora, ang dating madilim na langit ay naging bughaw, puno ng mga bituin na tila mga lumang pahina ng libro na muling nagningning.

Nagtipon ang mga nilalang, at sa gitna ng liwanag, ibinigay kay Joanna ang Panulat ng Panahon, isang pluma na makakalikha ng mga mundong hindi lang nababasa, kundi nararamdaman.

Ngunit bago matapos ang gabi, isang bulong ang lumapit sa tenga ni Joanna

“Handa ka na bang bumalik sa mundo ng mga mambabasa?”

Napalingon siya. Isang bilog ng liwanag ang lumilitaw sa harap niya, isang portal pabalik sa kanyang mundo.

Nilingon niya sina Ethan at Lori, ang mga tauhang minahal niya sa libro at ngayon ay naging totoong bahagi ng kanyang puso.

“Hindi ko kayo makakalimutan,” sabi niya, pinipigilang umiyak.

At sumagot ang Aklat na May Kaluluwa

“Hindi rin ka namin malilimutan. Dahil ang sinuman na nagsulat gamit ang puso… ay mananatili magpakailanman.”

Episodes

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download NovelToon APP on App Store and Google Play