...I...
Nang marinig ni Domma ang isang nakagagambalang sigaw ay agaran din siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuan kung saan ang kanyang pagkain ay halos hindi pa nababawasan, nagmadali siya kasunod ni Mia, at sunod-sunod na rin ang iba sa pagpunta.
Sa pagbalik ng lahat sa cabin nakita ni Domma ang inutusan niyang maid na nanghihinang naka-upo sa sahig at ang mata ay nanlalaki sa takot, hindi makapag-salita.
Tiningnan ni Domma ang cabin ni Hector, at bumungad sa kanya ang wala ng buhay at kaluluwang katawan ni Hector, ang mga mata nitong wala ng sigla, ang labi nitong wala nang kulay at ang naka tusok na syringe sa kanyang leeg ay nagpapatunay na totoong patay si Hector, at nagpapatunay din na may pumatay kay Hector.
Nang makita ni Mia ang walang buhay na si Hector, ang mata nito'y nanlaki sa hindi paniniwala, lalong lalo na si Edward ang tiyuhin ni Hector na halos atakihin na sa puso ng makita ang wala ng buhay na pamangkin, hindi makapagsalita ni makaluha, bagkus puno ng gulat.
Si Francis at Paul ay hindi nasikmurang tingnan si Hector, habang si Faery ay gulat na gulat, ang mga mata nito'y nabalot ng hiwaga't pagtataka.
Pinagmamasdan ni Domma ang katawan ni Hector, bawat daliri, bawat sugat. At ayon sa pagkakahiga ni Hector sa kanyang kama: ang ulo nito'y nakasandal sa dingding, ang paa nito'y nakalawit sa kama, isang palatandaan na nabigla si Hector at hindi na nakapalag. Tiningnan din ni Domma ang ilalim ng kama ni Hector, at sa hindi inaasahan nakita ni Domma ang matagal ng nawawalang IV potassium ni Hector, dinampot niya ito, at ipinakita sa iba.
“Potassuim yan ah.” Bigkas ni Faery nang makita kaagad,
“Hindi naman tayo siguro ganoon ka mangmang, 'di ba?” tanong ni Domma,
“Anong ibig mong sabihin, Domma?” malumbay na tanong ni Edward habang ang lahat ay nakatingin kay Domma, nangangamba.
“Halatang-halata naman na! Na pinatay si Hector, at isa lang sa atin ang gumawa nito.”
Sa pagbigkas ni Domma ng impormasyon na 'yon lalo silang nabalot ng takot at pangangamba, pangangambang baka sila ay mapagbintangan.
...II...
Habang naka-upo muli silang lahat sa hapag-kainan, walang kumikibo, mga matang balisa, hindi mawarian kung saan itutuon, kung saan ipipirmi. Habang si Domma naman ay nag-iisip na ang nakita niya nang bumalik siya sa kanyang cabin ay ang panahon kung saan sinimulang paslangin si Hector, ang potassium ay direktang itinurok sa leeg ni Hector, isang biglaan o sadyang mabilisang pagpatay, ‘Maaari kaya na ang narinig kong kaluskos ay ang oras na si Hector ay pinatay. Gayunpaman, kahit 'yon nga ang oras, ang tanong pa rin ay sino, sino ang gumawa nito,’ bigkas sa sarili ni Domma habang sinusuri ang mga wangis ng iba niya pang kasama.
Sa kalagitnaan ng katahimikan ay labis ng lumuluha si Mia, ang pisngi nito'y namumula na sa kaka-iyak. Kumulubot ang noo ni Paul sa pagtataka at nagsalita:
“Bakit sobra-sobra namana ata ang pag-iyak mo Mia?” isang tanong na mula may Paul ang umagaw at nagtuon ng atensyon sa kanila.
“Bakit nga ba, Mia? Hindi mo naman kilala ang lalaking 'yon” dagdag ni Francis, kahit batid ni Domma ang katotohanan sa pagitan nina Mia at Hector, pinili pa rin nitong manahimik.
“Hindi kaya't ikaw ang pumatay?” isang matalas, at nakagugulat na tanong ni Faery,
“Pwede bang manahimik ka nalang, Fae? Hindi naman nakakatulong 'yang mga sinasabi mo, nakakadagdag ka lang sa problema.” paninita ni Paul, “At bakit naman papatayin ni Mia ang lalaking hindi naman niya nakikilala? Kung gayon nga.”
Hindi na sumagot pa si Faery matapos ang pagsita ni Paul sa kanya.
Unti-unting tumahan si Mia sa kanyang pagtangis, ang alon ay nanatiling malakas at umuutog sa ilalim na parte ng barko.
“Ayos kana ba?” tanong muli ni Paul, “Hindi ko maintindihan bakit gano'n na lamang ang pag-iyak mo kay Hector.”
Tumingin si Mia kay Domma, isang panghihinayang na mga mata, ngunit para kay Domma hindi lang isang panghihinayang ang maramdaman nito, kundi isa ring pagsisisi.
“Wala ito, naalala ko lang sina inay.” wika ni Mia, mahinhin at malumanay.
Walang ibang magawa si Domma kundi tumahimik, hindi rin siya pwedeng magtanong sa mga oras na 'yon.
“Wag ninyong alalahanin ang iba,” sambit ni Domma, “Alalahanin ninyo ang mga sarili ninyo. Uulitin ko, pinatay si Hector, itanggi n'yo man o hindi, isa sa atin ang may sala.”
“Paano ka naman nakakasigurong pinatay nga si Hector ng isa sa atin, Domma?” pagkahigpit na tanong ni Edward, habang ang kalungkutan sa pagitan ng kanyang mga salita at mukha at inihahayag.
“Oo nga po, sir Domma. Hindi ba pwedeng nagpakamatay siya?” tugon ni Faery,
“Dahil alam ko, Edward.” tugon ni Domma,
“Hindi pwedeng alam, ramdam o hinala mo lang, Domma.” sa puntong iyon ay naluha na si Edward, ang masikip nitong dibdib ay nagdalamhati na.
“Hindi rin naman pwedeng nagpakamatay si Hector, wala siyang dahilan upang gawin ang naiisip ninyo. Kahit sa sandilang oras o panahon ko lang nakilala ang batang yan. Alam kong hindi niya gagawin sa sarili niya ang gano'n. Maliban lang kung isa sa atin ay kilala siya at may hidwaan sa isa't isa.”
“Anong…” udlot na tanong ni Francis, sapagkat pinigilan siya ni Faery sa pagsasalita.
“Alam mo ba kung ano ang nangyari sa mga magulang ni Mia, Paul?” pag-uusisa ni Domma,
“Patay na po sila, 'yon ang kwento sa'kin ni Mia.” inosenteng sagot ni Paul,
“Oo, tama. Patay na sila. Pinatay sila.” pagbigkas ni Domma ng mga salitang 'yon ay dahan-dahang tumila ang malakas na hangin at alon, habang ang buwan ay tumitirik.
“Hindi ko alam kung bakit n'yo sinabi ang mga bagay na'to sir.” wika ni Francis.
“Tatlo ang lumabas sa kanilang cabin kaninang tanghali, at kayo 'yon Paul at Francis.”
“Ibig bang sabihin ay pinagdududahan n'yo kami? Kung gano'n nga'y hindi ko magagawa ang isang bagay na mawawalan ako ng moralidad.” pagtanggol ni Francis sa kanyang sarili.
“Hindi ko rin naman magagawa ang pumatay, lalo na ng hindi ko kilala, sir Domma.” pagtanggol din ni Paul sa kanyang sarili.
“Sa ngayon mananatili kayong inosente, hanggang hindi ko pa napapatunayan kung sino talaga ang nagkasala. Pero isa lang ang sasabihin ko sa inyo.” huminto si Domma ng panandalian at ang mata nito'y lumibot sa bawat isa, sinuri, inusisa, at inalisa, “Hindi ko palalagpasin ang ganitong pangyayari, at makakamit ni Hector ang hustisya.” sabay tayo si Domma sa kanyang upuan at tinahak ang daan pabalik sa kanyang cabin, at naiwang tahimik ang iba.
...III...
Ilang oras din ang nakalipas mula ng matagpuan si Hector, ang buwan ay nasa pinakatuktok na ng kalangitan ang mga bituin ay kumukutikutitap, ang hangin ay napakalamig.
Humihimbing ang bawat isa sa kanilang mga kwarto, ngunit si Mia ay hindi makatulog, bumangon ito sa kanilang kama habang si Paul ay mahimbing ng natutulog sa kanyang tabi. Naisipan nitong lumabas at magpahangin, dahan-dahan itong umalis sa kama at nagtungo sa veranda o sa al fresco ng barko.
Sa kabutihang palad, nakita rin ni Mia na nasa labas si Domma, tila humihigop ng kape. Nilapitan ito ni Mia.
“Bakit hindi pa po kayo natutulog?” tanong ni Mia, habang niyayakap ang sarili sa lamig.
“Hindi ba dapat ako ang magtanong niyan?” tugon ni Domma habang pinagmamasdan ang buwan mula sa wangis ng mga alon.
Ngumiti si Mia na tila malungkot pa rin, “Hindi ko lang lubos ma-isip na patay na si Hector, ninong.”
“Mahal mo pa ba si Hector?”
“Hindi ko naman po kayang sagutin 'yan”
“Hindi mo nga kaya, pero 'yang mga mata mo, Oo ang sinasabi. Pero ngayon ay kasal kana Mia, anong ibig sabihin nito?”
“Ninong, ang buong akala ko ay hindi ko na talaga mahal si Hector, makalipas ang ilang taon yun at yun ang inisip ko, kaya nang magpakita siya ulit, wala akong magawa ang dibdib ko ay sumikip na ng todo, at pilit na sinasabing mahal ko pa si Hector. Pero bakit ba ganoon pa rin ang nararamdaman ko, ninong?”
Napatingala si Domma sa mga bituing kay ningning, “Sa totoo lang hindi ko rin alam, Mia. Marahil may isang bagay na nagbibigay pa rin sa inyo ng koneksyon?” sabay tingin may Mia.
Hindi sumagot si Mia, bagkus ay nagkwento, “Ninong, nong kami ni pa ni Francis ay lagi kaming tumatambay at inaaliw ang isa't-isa sa pinagtatrabahuhan ni Hector.”
“Oo nga, nabanggit ni Hector sa akin.”
“Pero habang tumatagal ay nahuhulog na ako kay Hector noon, bawat dala niya ng mga inorder namin na inumin ay lagi kong tinignan ang mga mata nito, matang kay pungay at hindi nagsisinungaling. Kaya nang nag-away kami ni Francis at nagkahiwalay nagtungo ako sa kanya…”
“At doon naganap, tama ba?”
Tumango si Mia sa pagsang-ayon, “Hindi ko man lang binigyan ng pagkakataon ang sarili ko at si Hector na sabihin ang nararamdaman namin sa isa't-isa, pero kahit magkaroon ma'y huli na ang lahat, kasal na ako. At masaya na ako.”
“Talaga bang masaya kana?” tumahimik ng saglit si Domma, “Ah! Wag mo ng sagutin, kita ko naman dahil kahit nandyan si Francis ay masaya kang kapiling si Paul. Pero pwede ba kitang matanong?”
“Ano po 'yon?”
“Minahal mo ba si Francis gaya ng pagmamahal mo kay Hector?”
“Sa totoo po niyan, napilitan lang akong mahalin si Francis dahil mag-is lang ako, bukod kina inay, wala akong kaibigan. Tanging si Francis lang ang nagmahal sa akin. Kahit ganun pa man hindi ko pa rin natutunang mahalin si Francis.”
“Alam mo Mia, mas mabuting maging totoo sa sarili. Parang anak ko na 'yan si Francis, halos ako na ang tumayong ina niya. Pero kahit isang bese hindi ko naintindihan ang umiikot sa isip niya. Kung ano ang sunod na hakbang niya. Kaya hindi ko rin alam na nagkaroon siya ng kasintahan noon.”
“Pasensya na po, ninong. Pero gusto ko talagang malaman kung nagmahal na rin po ba kayo?” sa pagbigkas ni Mia ng mga salitang iyon.
Ang hangin para kay Domma ay lalong lumamig ni kahit ang hawak niyang mainit na kape ay nawalan ng diwa, ang buwan ay tila lalong tumamlay para kay Domma.
Napabuntong hininga si Domma, “Oo, Mia, nagmahal din naman ako kagaya ninyo.”
“Ano naman po ang naging karanasan ninyo?“
“Sa karanasan ko sa pag-ibig, dinala ako nito sa ganitong sitwasyon kung saan ako ay ako ngayon, kung sino ang ninong mo ngayon.”
“Ano pong ibig n'yong sabihin?”
“Kagay mo rin, nasaktan din ako, lubhang nasaktan.”
“Yung Georgina po ba ang nakasakit sa inyo?”
Tumawa si Domma upang hindi maluha habang inaalala ang lahat ng nangyari sa kanila ni Georgina.
“Hindi niya ako sinaktan, ni isang beses hindi. Kundi ang pagmamahal ko sa kanya ang nanakit sa akin. Hindi ko siya maaaring mahalin, hindi ko siya maaaring angkinin. Kahit nais niya rin akong maging kanya.”
Sa kalungkutan ng narinig ni Mia ay yumuko ito at binigkas: “Gusto ko pa pong malaman kung bakit, pero kitang-kita sa mga mata ninyong hindi n'yo kaya na pag-usapan pa ang babaeng 'yon.”
“Salamat, Mia. Siya lang ang tanging minahal ko, at wala ng sumunod pa. Oh, siya. Magsitulog na tayo, tama na ang dramahan natin.”
At natapos nga ang malulungkot na usapan nina Mia at Domma, at sabay silang pumasok sa kanilang mga cabin.
Ang katahimikan at ang hagupit ng malamig na hangin ay nananatili. Ngunit ang buwan ay nananatiling matamlay.
***Download NovelToon to enjoy a better reading experience!***
Comments