KABANATA III

...I...

Sumapit ang gabi, isang nakatitindig na ginaw ang bumalot sa isla, ang oras kung saan isang kasiyahan—huling kasiyahan, na magaganap sa isla. Lumabas si Domma sa hotel upang makalanghap ng masimoy at komportableng hangin. Ang bawat kaluskos ng mga matatayog na puno ng niyog, mga along tumutugtog sa bilis, mga bituing kumikinang sa tabi ng buwan na ang liwanag ay kay tamlay, ang bawat isa ay sumunod upang makalanghap din ng hangin.

“Kay lamig ng hangin ngayon, Domma.” sambit ni Edward sa tabi Domma,

“Kahit papaano'y muli nating naranasan ang ganitong hangin sa edad natin na'to, kahit ilang oras o minuto lang na gan'to ay napapasaya na ako.” wika ni Domma habang nakikinig sa hampas ng mga alon

“siyang tunay,” sambit ni Edward sabay lingon sa kanyang likuran, “Oh ayan na rin pala sila,”

“Handa na po ba kayo, mga sirs?” tanong ni Faery habang may mga ngiti sa labi,

“Saan?” tanong ni Edward, habang pinagmamasdan ni Domma sina Paul at Francis na ang tinginan ay tila nakaka-suspetsa

“Sa party!”

“Ako na ang gagawa ng bonfire,” Pag-ako ni Hector, “saan na may kahoy dito?” dugtong niya.

“Ang alam ko sa may kubo, pero baka basa ngayon 'yon dahil umulan.” sagot ni Faery,

“May mga mushrooms at may marshmallows kaming dinala, nandoon din sa kubo, pwede bang pakuha Francis?” pasuyo ni Mia, habang nakahawak kay Paul.

Sa bawat pag-aayos ng mga gagamitin sa huling pagdiriwang sa isla, na-upo si Mia at si Faery sa buhanginan, at napansin ito ni Domma. Samantalang si Paul ay sinundan si Francis sa kubo, walang ano mang aberya ni kaguluhan, mga mata ng bawat isa'y masisigla't nananabik sa pagdiriwang.

Ngunit isang problema kay Domma ang nangyayari, bakit? Ayon ay hindi niya rin maipaliwanag, isang hindi malamang dahilan, isang kutob, isang pakiramdam na may mangyayaring hindi tama, sa dulo ng isip ni Domma ang mga mangyayari'y kanyang hinuhulaan habang pinagmamasdan ang ngiti ng bawat isa.

...II...

Ilang minuto rin ang lumipas ang bonfire ay masiglang umaapoy sa tabing dagat habang napapalibutan ng bawat isa. Sa kanan ni Domma ay naka-upo sina Hector at Edward, sa kanyang kaliwa ang mag-asawa, sa kanyang harapan ay si Faery at Francis.

Habang unti-unting nauubos ang kahoy at nagiging abo, ang bawat isa ay unti-unti na ring nanghihina, ang masiglang awitan ay unti-unti ring nawawala ng dahil sa sobrang daming nainom.

Bago pa man matuluyang malasing ang lahat, tumayo si Hector—tumalikod sa kanila, napansin ito ni Domma, sa pagtalikod nito, kinapa ni Hector ang kaniyang mga bulsa, mula sa kanyang jacket hanggang sa pantalon. Habang ang iba ay nag-aaliwan, si Hector ay hindi mapalagay, kapkap sa kanan, kapkap sa kaliwa, ang hinahanap niya'y hindi makapa-kapa, at alam ni Domma kung ano ang hinahanap ni Hector.

Sa kabalisaan ni Hector, ay nilapitan na ito ni Domma, at tinanong:

“Anong hinahanap mo, ba't 'di ka mapakali?”

“Ah! Yung potassium ko po parang nawawala, pero alam ko kasi nasa bulsa ko lang 'yon.” balisang tugon ni Hector, habang ang mga mata'y dahan-dahang namumutla.

“Saan mo ba inilagay isipin mo,” pag-aalalang tanong ni Domma, dahil tila nahihirapan na si Hector sa kanyang pag-tayo't paggalaw

“Pa…sensya na po, sir. Baka pwede n'yo po akong bigyan ng avocado kailangan ko lang po talaga ng potassium ngayon.” pasuyo ni Hector habang dahan-dahang ini-uupo ni Domma

Lumingon si Domma sa mga kasama at napansing tila wala na talaga silang paki-alam sa paligid at ma-impluwensiyahan na ng sobra ng alak. Nagmadali na ring kumuha ng avocado si Domma sa loob ng hotel, at sa kanyang pagpasok napansin ni Domma na ang tatlong rosas sa gitna ng lamesa, ang isa ay patay na o tuluyan ng nalanta, ang mga itim nitong dahon ay nasa lapag na.

Binalatan na ni Domma ng mabilisan ang avocado at dalian ding lumabas at ibinigay kay Hector, sa panandaliang katahimikan ay biglang nagsalita si Faery, isang nakagugulantang na wika:

“Mahal pa kita, Paul.” bigkas niya sa harap ng kanyang mga kasama, “Bakit mo ba kasi ako hiniwalayan, sana ako na ang asawa mo, hindi yang si Mia.” dagdag niya habang nakayuko't nakapikit.

Tumawa si Paul at Francis habang pinipilit idilat ang mga mata,

“Anong tinatawa-twa n'yo? Totoo sinasabi ko!”

Sumagot si Francis habang namumula ang pisngi: “Isa lang naman mahal niyan ni Paul, 'di ba?” tanong niya kay Paul, habang ang mata'y mapaglaro,

“Sino si Mia? Naku! Hindi niya mahal 'yan, niloloko n'yo lang best friend ko!” bigkas ni Faery na medyo malakas at galit,

Habang nag-uusap ang tatlong mga lasing na kasama nina Domma, nag-usap din sina Domma at Hector, isang normal na pag-uusap.

“Nakamatuwa lang na kaya nilang magbiruan na hindi nasasaktan,” bigkas ni Hector habang naka-upo katabi ni Domma nagpapahinga,

Tumango si Domma at sumagot: “Buti na lamang at tulog na ang dalawa nilang kasama, lalo na si Mia, kung hindi lalong iingay.” tugon ni Domma habang pinapanood ang tatlong tumatawa't nagbibiruan.

“Tama po kayo, sir. Sa ganoong pangyayari ko po nakilala si Mia.” pag-amin ni Hector kay Domma.

“Paanong paraan? Sumisigaw o gumagawa ng gulo?” tanong ni Domma habang bahagyang tumawa,

“Pareho po kaming nasa bahay-aliwan noon. Ang totoo po niyan mga bata pa kami n'on at nagtatrabaho ako room bilang isang waiter, napagsilbihan ko sila noon.”

“Naiintindihan ko, ta's nahumaling ka ba sa kanya?”

“hindi po, kasi noong pinagsilbihan ko po sila noong una naming pagkikita, masaya siya kasama niya yung lalaki—yung Francis, iba pa po hitsura ni Francis noon, at masaya silang nagpupunta roon, nakakatuwa nga lang po at ako lagi ang nakakapagsilbi sa kanila.”

“Ah, naabutan mo pala silang mag-kasama,” pa udlot na wika ni Domma, habang pinapanood ang tatlo sa buhanginan.

“Pero dumating po ang isang araw kung saan pumunta si Mia nang siya lang mag-isa, wala na yung Francis at medyo malungkot din siya nong mga panahon na 'yon. Doon po kami nag-kakilala ng tunay,” dagdag ni Hector, habang ang mga mata'y tila nais magtago,

Hindi naman mangmang si Domma, sa tonong nalulumbay at nanghihinayang ni Hector, sa mga mata nitong nag-aalinlangan, alam na ni Domma kung ano ang tinutukoy ni Hector;

“Dahil sa kalungkutan ni Mia, at dahil din bahay-aliwan 'yon. Parehas kayong natukso, tama ba ako?“ Tanong ni Domma, isang mahinahon ngunit tindig na tanong.

“Ganon na nga po, kaya nang kinaumagahan ay hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko, baka maging ama kaagad ako, wala pa akong kaya, mahirap pa ako noon.” pagsasalaysay ni Hector habang ang mga mata nito'y dahan-dahang nalumbay, marahil sa pagsisi, marahil ding nagsala siya, siya lamang ang nakaka-alam.

“Anong ginawa mo?”

“Pagtapos non ay hindi na muling bumalik si Mia, hinantay ko siya, pero ni isang beses ay hindi na siya muling bumalik, kaya hinanap ko na po siya, dahil natatakot akong baka buntis siya.”

“Kung malaman mo bang nabuntis siya pananagutan mo ba?”

“Opo, kaya ko nga siya hinanap. Kaya isang beses po nang malapit ko ng makalimutan si Mia, may nagpunta po sa aking babae, galit-galit halos umusok na ang tainga sa galit.”

“sino raw iyon?”

“Nanay po ni Mia, sinaktan po ako, pinagbabato ng bote na nag-agaw ng atensyon ng mga tao, napuno ako ng kahihiyan habang ipinamumukha sa akin kung paano ko raw binaboy si Mia, halos bawat masasakit na salita'y sinalo ko. Ipinaliwanag ko naman na kaya kong panagutan ang anak nila pero ayaw nilang makita ko si Mia,” patuloy na pagsasalaysay ni Hector, habang ang kamay ay madiing nakatiklop, mga galit na namuo sa mahabang panahon, mga ugat nito'y bumakat sa kanyang balat, habang nakatiklop ang kamao, “Ang hindi ko lang po matanggap ay pinilit nilang ipalaglag ang bata—ang anak ko!” dagdag niya, sabay sumuntok sa buhangin, ang mga ngipin niya'y nagdikit sa gigil.

“Huminahon ka, wala ng magagawa ang galit mo, tapos na 'yon at nakalipas na.” pagpapakalma ni Domma, habang may awa sa mga tinig.

“Mabuti nga't namatay yung mga magulang ni Mia makalipas ang ilang taon,” bigkas ni Hector habang madaliang tumayo at pumasok sa hotel.

Naiwan si Domma at ang limang naka-upo malapit sa bonfire, ang hangin para kay Domma ay nakakasulasok, hindi niya alam kung ano ang gagawin, ngunit kahit papaano ay tila gumaan ang pakiramdam niya nang malaman kung paano nagkakilala sina Mia, pero ang hindi mabuting pakiramdam ay nananatili sa kanyang dibdib, ang ihip ng hanging nakakasulasok ay dahan-dahan siyang sinasakal.

Episodes

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download MangaToon APP on App Store and Google Play