KABANATA II

...I...

Sa pagtili ni Mia, dali-daling nagtungo si Faery at si Domma sa kinaroroonan ni Mia, ang kulig ay sumasambay sa hagupit ng ihip ng hangin.

Sa kanilang pag-akyat, nakita nila si Mia na nakatakip ang mga mata, at pinalalayo sina Domma sa kwartong bukas ang pinto.

“Anong nangyari, Mia?” Tanong ni Faery, kabado.

“Doon muna kayo! Ang bastos ng asawa ko.” Wika ni Mia na tila naduduwal.

Hindi pinansin ni Domma ang pag-saway ni Mia, at ito’y nagtungo sa bukas na kwarto, sa kanyang pagpunta nakita ni Domma na dinadamitan ni Paul si Francis.

“Ano ‘to, Paul?” Tanong ni Domma, isang kalmadong tinig.

“Nagsuka po kasi si Francis, kaya pinalitan ko lang po ng damit.” Pagtatanggol sa sarili ni Paul.

“Naiintindihan ko, at amoy mapanghe rin. O siya, ang akala ko naman ay kung ano na.” Sambit ni Domma habang palabas ng kwarto, “Nilinisan lang naman pala ni Paul si Francis. Pagtapos niya roon kay Francis, matulog na kayo. Mauuna na ako, at gabi na rin.” Bigkas ni Domma kay Mia, at Faery.

“Opo.” Sabay na tugon ni Mia at Faery.

Habang ang ulan ay patuloy pa rin, ang patak nito ay unti-unti ng bumabagal, at ang hangin ay huminahon na rin, isang hudyat na ang ulan ay patila na.

Lumabas na si Paul mula sa kwarto:

“Pasensya na, Mia. Pinalitan ko lang ng damit si Francis. Marami ang nainom.” Panunuyo ni Paul kay Mia,

“Hayaan mo, babawi ako ngayon. Tutal bagong kasal naman tayo.”

“Magsaya kayong dalawa ha, papasok na ko sa kwarto ko. Enjoy!” Bigkas ni Faery, isang pabirong panghahamak.

...II...

Kinabukasan ay nagising nang maaga si Domma, ang hangin ay umiihip ng napakalambing, kasabay ng mga ibong humuhuni sa dalampasigan, ang kaluskos ng mga basang puno ay nagdadagdag aliw sa umaga, habang ang araw ay paunti-unting sumisilay sa parang.

Sa pagbaba ni Domma, may nakita siyang dalawang lalaki na nagkakape, ito’y magkaharap. Isa ay may bigote’t balbas, mestiso rin ito, malaki ang katawan at mga nasa trenta ang edad; habang ang kaharap naman nito’y sadyang maputi’t makinis, tila nahaluan ng ibang lahi, balbas lang ang meron ito, at binata.

Sa paglapit ni Domma sa dalawa, napansin nito si Domma at tumayo,

“Domma, my friend!” Biglang bati ng mestisong lalaki, “Nandirito ka pala.”

Napakunot ng noo si Domma, sapagkat hindi niya makilala ang lalaki, napansin ito ng lalaki:

“Ano ka ba Domma, ako to si Edward Cinco!”

Panandaliang lumaki ang mata ni Domma sa bigla, nang malaman kung sino ang kaharap niya.

“Ano? Ikaw na ba ‘yan? Gandang lalaki ah.”

“Oo naman, manang-mana sayo ‘to.”

“Bakit ka nga pala naparito?”

“Inimbitahan kami ni Mia na dumalo sa ikalawang araw ng kasal nila, at magsama raw ako, kaya ito! Isinama ko yung pamangkin ko,” sambit ni Edward, habang ipinapakilala ang pamangkin niya, “Siya si Hector Balucat, isang licensed doctor.”

“Hello po, nice meeting you po, sir Domma Santiago,” bigkas ng binata, ang tinig ay malamig at mababa.

“Aba kilala mo ako?”

“Opo naman po, ikinuwento ka ni tiyo.”

“Naku, salamat ha. Pagpasensyahan niyo dahil gabing-gabi na rin kami nakatulog, lalo na yung mag-asawa.” Wika ni Domma,

“Ayos lang yun. Ang mahalaga nakarating na rin kami, malayo-layo rin pala itong islang ‘to. Akalain mong walong oras ang biyahe pabarko papunta rito, pero sulit naman, maayos ang bintana, ang ilaw ay naka chandelier aakalain mong mga dyamante yan. At may mga maid din.” Pag-aanalisa ni Edward,

‘Lintikan, hindi pa rin nagbabago ang lalaking to, matalas pa rin ang mata’ bigkas sa sarili ni Domma, habang pinapansin ang bulsa ng jacket ni Hector, na tila may naka-umbok.

“Ano ‘yang nasa bulsa ng jacket mo, Hector?” Biglaang tanong ni Domma,

Agad namang kinuha ni Hector ang gamit na nasa kanyang bulsa, “Ito po ba?” Tanong niya habang dahan-dahang itinataas ang isang maliit na bote na may lamang tila tubig, “gamot po ito, pero paturok po. Isa po itong IV potassium, may Hypokalemia po kasi ako, kaya nasa jacket ko lang po ito para kung kailanganin ko ay magagamit kaagad, kasama rin po yung syringe.”

“Ah ganoon ba?” Sa pagbigkas ni Domma, ay bumati si Faery sa kanilang tatlo.

“Good morning po mga sirs. Sa’yo rin pogi.” Pabirong pagbati ni Faery,

“Magandang umaga rin binibini.” Tugon ni Edward, ngunit hindi na tuluyang pinansin ni Faery, bagkus ay pinansin niya kung ano ang hawak ni Hector.

“Hindi ba’t IV potassium ‘yan?” Tanong niya, ang tonon’y nananabik.

“Oo,” sagot ni Hector, habang ibinabalik sa kanyang bulsa.

“Bakit meron ka niyan?”

“For medication purposes.”

“Okay, if you say so.”

...III...

Ilang minuto rin ang lumipas, at nagising na rin ang iba; sina Paul, Francis, at Mia kasabay ng makapal na hamog na dulot ng ulan ay bahagyang bumababa. Si Mia at Paul ay naunang lumabas sa ikalawang palapag at sumunod si Paul na tila’y nahihilo pa rin.

Sa dahan-dahang pagyapak ng mag-asawa pababa sa hagdanan, nakita ni Mia ang isa pa niyang ninong na si Edward. Sa oras na ring ‘yon ay nagpahayag ng isang matamis na ngiti si Mia kay Edward, at nilapitan niya ito.

“Hello po ninong! Mabuti naman po’t naka punta kayo?” Sambit ni Mia, habang nasa gilid niya si Domma na nakikinig,

‘Ninong pala ni Mia si Edward?’ tanong sa sarili ni Domma, habang napapansin ni Domma sina Paul at Francis sa ibaba ng hagdanan na tila may importanteng pinag-uusapan, mga mata nila’y medyo matulis, mga noo’y nakakunot, mga bibig ay pabuling kung bumigkas.

“Paul!” Sigaw ni Mia sa asawa, “Halika rito,” at lumapit nga si Paul sa asawa, ang mukha’y gumaan, isang malawak na pagngiti ang inihayag, at napansin ito ni Domma.

Habang pinapakilala ni Mia si Paul sa ninong nito, nilapitan ni Domma si Francis sa ibaba ng hagdanan.

“Kumusta ang pakiramdam mo?” Bungad ni Domma,

“Maayos-ayos naman, medyo nahihilo pa rin. Pero ayos na.” Wika ni Francis, ang mga mata nito’y hindi nakatingin kay Domma, ngunit na kay Mia.

“May naaalala ka ba kagabi?”

“Wala naman,”

“Kahit yung pagsuka mo ng marami?”

Nagulat si Francis nang sabihin ito ni Domma, ang mga labi nito’y bahagyang ngumanga sa gulat, “Tagala bang nagsuka ako ng marami?”

“Oo. ‘yon ang sabi ni Paul, at nakita rin namin.”

“Ano nakita n’yo?” Tanong ni Francis may Domma, ang mga mata nito’y biglang tumuon kay Domma, at ang mga tainga nito’y sabik marinig ang tila hindi dapat niya marinig.

“Hindi ko naman talaga nakita, pero si Mia nakita kayo.” Isang panlilinlang na sagot ni Domma, upang kahit papaano’y mahimasmasan si Francis, “Siya nalang tanungin mo mamaya,”

At sabay na ngang pumunta sina Domma at Francis kung saan nag-uusap sina Mia at Edward,

“Sabi mo mag-akay ako ng makakasama kasi malayo-layo, kaya isinama ko na si Hector, ayos lang ba ‘yon?” Tanong ni Edward habang sina Domma’y papalapit.

“Oho naman po, sa totoo nga po niyan magkakilala po kami.” Sambit ni Mia, ang mga mata nito’y nag-alinlangan.

“Ganoon ba, sa papaanong paraan?”

Tumahimik si Mia nang biglaan, isang nakapagtatakang katahimikan ang bumalot sa kaniya.

“Pasyente ko po siya, mga 3 years ago, I assumed?” Pagsalo ni Hector sa nakasasakal na katahimikan ni Mia, mga mata nito’y nagbabanggaan sa ere, isang lihim, isang nakaraan.

“Oh siya, mag-almusal na muna tayo, pwede natin yang ituloy habang kumakain.” Wika ni Paul at sabay inalalayang umupo si Mia, “Francis tulungan mo ko,”

“Saan?” Tanong ni Francis,

“Sa pagkain, saan pa ba? Nandoon si Fae nagluluto.”

Sabay nagtungo sina Paul at Francis sa kusina, at isa isang umupo ang iba sa hapag-kainan, katabi ni Mia si Domma, at kaharap naman nila sina Hector at Edward, sa pagitan nila’y may mga kandilang naka tayo sa isang candlestick ang maliit nitong apoy ay yumuyugyog, kasabay ng halimuyak ng pritong bawang na naglalakbay kasama ng hangin sa ere.

Ang tatlong rosas sa gitna ng lihadong lamesang kahoy ay napansin ni Mia na isa sa mga rosas na nasa paso’y lanta na, at ang dalawa’y matayog pa.

“Well Domma, I really didn't expect you to be here.” Bigkas ni Edward, “Kasi ang huli nating kita ay halos walong taon na ang nakalilipas, ang laki na ni Mia at may asawa na, at kasama mo pa si Georgina non.” Masayang bigkas ni Edward, habang inaayos ang kanyang terno.

“Siyang tunay. Hindi ko rin akalaing ninong ka ni Mia,”

Tumawa ng panandalian si Edward, “Hay nako Domma, wala ka paring pinagbago, yang berde mong mga mata’y nananatiling matalas. Kung may pagkakataon lang, nais ulit kitang makatrabaho.”

“Ano po bang trabaho ninyo noon?” Tanong ni Mia, mga mata niyacy kumikinang nang marinig ang pag-uusap ng kanyang mga ninong,

“Hija, mga imbestigador kami noon—ibig kong sabihin ako, pero dahil sa isang mahirap na kaso kung saan una kong nakasama at huli kong nakasama si Domma, nabaril ang isa sa mga binti at hita ko, kaya hindi na ako makakatakbo at makaka hawak ng kaso.” Pagsasalaysay ni Edward, “Kaya ito ako ngayon, isang tindero nalang, ang mga anak ko nalang ang sumusustento sa akin.”

“Grabe naman po pala ang nangyari, kaya pala iba ang tensyon sa inyong dalawa ni ninong Domma, mala astig.” Sabay halakhak nina Edward, “Pero…” pabiting bigkas ni Mia, at sabay tingin may Domma, “Sino po si Georgina?”

Nagkapalitan ng tingin sina Domma at Edward, mga matang malalim at patago.

“Wala lang ‘yon. Kalimutan mo nalang,” pagtatanggi ni Domma, habang ang tinig ay may kaonting lumbay.

“Ito na ang pagkain!” Bati ni Faery papalit sa lamesa, “Ubusin n’yo yang niluto ko ha.”

Sa pagdating ni Faery ay nabasag ang tensyon sa mga naka-upo habang tahimik lang na nakikinig si Hector.

Sumunod na rin sina Paul at Francis sa paglagay ng mga pagkain sa lamesa, sa paglagay naman ni Paul ng kanin sa lamesa sa harapan ni Mia, napansin ni Mia na ang palasingsingan nitong daliri, ang singsing ay wala.

“Nasaan ang sing-sing mo, Paul?” Tanong na matulis ni Mia,

“Ahh, ehh… nasa kama natin. Saglit lang at kukunin ko.” Nagmadaling kunin ito ni Paul sa kanilang kwarto,

Ngunit para kay Domma, may mali talaga. Sa pag-akyat ni Paul, isa-isa niyang pinagmasdan ang mga wangis at postura ng kaniyang mga kasama, mula kay Mia na tila nababagabag, kay Hector na tila’y tahimik ngunit ang presensya’y kakaiba, kay Edward na ang mga ngiti’y tila nanlilinlang, kay Faery na ang mga mata’y puno ng lihim, at kay Francis na ang bawat kilos ay tiklado sa normal, at ang huli naman ay kay Paul na tila’y hindi mapakali kada kaharap ang asawa.

Sa pagbaba ni Paul, at tumabi kay Mia suot-suot ang singsing, habang ang bawat isa’y kaniya-kaniya ng kumukuha ng pagkain, nagtanong si Domma, isang hindi akmang katanungan.

“Tama ba yung kwartong pinasok mo?” Tanong ni Domma, ang boses ay pabulong, na siya ring narinig ni Mia.

“Bakit po ninong?” sagot ni Mia

“Wala naman.” Habang nakatingin kay Paul, at si Paul nama’y nakatingin kay Domma na hindi nakasagot.

...IV...

Makalipas ang ilang minuto at natapos na ring kumain ang lahat. Ang mga babasaging pinggan ay dahan-dahang kinukuha ng mga maids, kasabay ng mga baso’t kubyertos.

Tumayo si Hector at nagtungo sa kusina, napansin ni Domma na habang patungo si Hector sa kusina ay binunot nito ang potassium na nasa kanyang bulsa kasabay ng panturok.

Kasabay nito ay humiling ng isang basong wine si Mia sa kanyang asawa na si Paul. Bawat isa ay tahimik, mga nag-aayos, sa kalagitnaan ng kanilang katahimikan, ang mga huni ng ibon at ang patuloy na pag hampas ng alon sa dalampasigan ang kanilang naririnig; mula sa pag-ihip ng hanging may dalang init, hanggang sa pag-sayaw ng mga punot't ang katahimikan ay nananatili.

Kinalaunan ay bumalik si Hector, mukhang masigla, makikita sa kanyang mga mata na medyo masaya. Bumalik na rin si Paul hawak-hawak ang isang champagne glass na may lamang wine, isang red wine.

Sa pagdaan nito kay Domma, na-amoy ni Domma ang halimuyak nito, tila isang ubas sa talahiban ang amoy, para sa kanya ay normal at nakaka-aliw.

Iniabot ni Paul ang baso, at uminom na rin si Mia, isang maliit na higop.

“Bakit hindi tayo lumangoy?” Pag-aliw ni Edward sa iba at sa kanyang sarili.

“Patirik ang araw, mukhang mainit.” Sagot ni Paul kay Edward.

“Ayos lang naman sa akin, inaaya ko lang naman kayo. Ikaw ba Hector?”

“Hindi po, magpapahinga nalang muna ako,” sabay tayo si Hector at nagtungo sa ikalawang palapag. Kung saan sinabi na ni Mia kanina kung saan ang kwarto nila.

“Ikaw sir Domma, hindi po ba kayo maliligo sa dagat, kahapon pa po kayo hindi nababasa ng dagat.” Pag-aaya ni Faery kay Domma, na may tinig na mapaglaro.

“Hindi naman kasi ako mahilig lumangoy, isa pa. Nandito ako para bantayan tong mga batang ito, kasama ka.” Tugon ni Domma, habang tumatayo sa kanyang kinauupuan.

“Basta mamayang gabi mag-paparty tayo!” Hiyaw ni Faery, sa sobrang ligaya.

“Tama kaya mag-eenjoy po kayo rito, kasi bukas aalis na rin tayo dito uuwi na tayo sa kanya kanya nating lugar.” Bigkas ni Francis,

“Kaya sulitin natin tong magandang lugar, kasi isang beses lang naman kami ikakasal ni Mia,” pabirong bigkas ni Paul, na siya namang nagbigay ngiti sa bawat isa.

Sa halakhakan ng bawat isa, napansin ni Domma na iba ang ngiti ni Paul kada tumitingin kay Faery, tila malagkit at matamis na pagtitig.

Habang kay Francis naman ay mga matang tila nanghihinayang kay Mia.

Pasensya na kayo, parang inaantok pa ata ako.” Sambit ni Mia,

“Bakit anong meron?” Tanong ng asawa.

“Grabe ka naman Paul, pinagod mo naman kaagad si Mia.” Pabirong bugkas ni Faery, sabay tawanan.

“Kayo talaga, pero parang ganon na nga, napagod ata ako ng todo kahapon.”

At umakyat na sa itaas si Mia, at naiwang halos walang bawas ang kanyang basong may wine.

Sa pagtataka, napatingin si Domma sa basong ininuman ni Mia, at ang pagtatanto na masigla si Mia kanina pa, ngunit sa mga oras na ‘yon hindi na.

At kanya-kanyang galaw na sa kanialng mga gagawin, si Edward maliligo, si Hector ay nagpapahinga na, si Paul ay kasamang lumabas sa Hotel si Francis, si Faery naman ay umakyat na rin, at si Domma ang naiwan sa lamesa.

Inamoy niya muli ang wine, habang pinakikiramdaman kung may nakatingin nga, pero sa kanyang pag-aanalisa walang ibang amoy, tinikman niya rin ito at nag antay ng ilang segundo, pero wala paring talab, kaya’t napaisip siya na baka talagang pagod si Mia.

Episodes

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download MangaToon APP on App Store and Google Play