Pangatlong Paksa
Sa lipunang mapanghusga, bata laban sa kanya. Patawad aking Ama, pangarap mo'y di nakamit. Ikaw ay mahirap, pagtungtung sa entablado di mo nakaya.
Nagtatrabaho para makapag-aral, ngunit ako ay nag-aaral para makapagtrabaho. Laban ko sa lipunan, di ko napanalunan. Patawad aking Ama, pera mo ay nasayang.
Nawala sa sarili, kaya ako tumigil. Araw araw umiiyak, sa paaralan napipiyok. Ako daw ay tamad, di alam ako ay may problema. Personal na buhay di kayang madala sa paaralan.
Mga gawain di naipasa, binti puno ng hiwa. Mga guro walang pake, sa buhay ng estudyante. Sariling buhay ay inintindi, di pwede ang may sakit sa pag-iisip.
Kamalayan sa kalusugan ng isip, kanilang inihatid. Ngunit walang aksyon ang naibatid, kakulangan sa kaalaman. Mga tao ay binihag, di alam ang gagawin kaya binabalewala.
Napatunayang totoo, ngunit ayaw tanggapin. Tinatago sa publiko, ayaw matawag na baliw. Isang kahinaan magkaroon, walang gamot na tumutulong.
Gustong mapag-isa, kaso ayaw nila. Bantay sarado ang galaw, baka masawi. Paboritong anak, ngunit walang atensyon na naibaling. Kulang sa pagmamahal, kaya pakiramdam nag-iisa.
Anong gagawin, sa anak mong wala sa sarili? Di kaya humingi ng tulong sa iba, baka masabihang di marunong mag-alaga. Nag-aalala ngunit ayaw mahusga.
Mabuting tao, ngunit di mabuting Ama. Laging nakangiti, pati problema'y tinatawanan. Sinabihan ng hinanakit ng anak, pero bakit tumatawa? Tinatago ang sakit, para di makitang mahina.
Pero kailangan mong ipakita, para pagmamahal mo ay maramdaman. Haligi ng tahanan, pero bakit ka ganyan? Apat na ang anak, pero di pa din marunong mag-alaga.