Pangalawang Paksa
Maaliw na buhay, kay saya sa piling ng aking Lola't Lolo. Sa bahay namin na ang atensyon ay hinahati, pagmamahal na walang katumbas aking natamasa. Sa paaralan ako'y tinutukso, buhay ko raw ay di husto.
Mataas na kwarto, mababang grado. Ako daw ay bobo, nilulubayan ng katalinuhan. Pagkawalay sa pamilya ay hindi daw rason. Walang pwesto ang kalungkutan sa babaeng walang gabay.
Isa, dalawa, tatlo sa isang buwan kung makapiling ang aking pamilya. Galak ang aking nadarama, ngunit sa pagdating parang wala lang ang kanilang batid.
Malungkot isipin na sa batang gusto lang makapiling ang pamilya, sa kanilang mata ako'y isang dismaya. Galit ang hatid ng mga matang nakatingin sa akin, marangyang buhay akin daw nakamit. Sila'y nagdurusa, isang kahig, isang tuka.
Sa magulong buhay, eskwela ang naging takbo. Ako man ay tinutukso, kinaya ko ito. Natapos ng may parangal, ngunit sa gintong medalyang aking suot. Walang papuring nadinig, sa kinang ng aking ngiti nakatago ang pighati.
Nawalan ng gana, nawalan ng saysay. Pamilya at kaibigan aking nalimutan. Mga grado ko'y naging bagsak, sa dami ng pasanin nawalay ng landas. Amoy ng sigarilyo ay nasinghot, "Lolo bakit ka naninigarilyo?"
"Sa dami ng isipin, ako'y naninigarilyo. Bawat buga, anong gaan ang dala." " Manang pabili ng sigarilyo. Para lamang sa aking Lolo."
Pintig ng puso ang tanging dinig, nakatingin sa umuusok na stick. Unang buga, ubo ang dala. Pangalawang buga, sarap ang naidala. Pagkabalisa'y na wala, totoong maganda sa pakiramdam.
Saktong grado lang ang hangad. Kung walang puring hatid, bakit magpapakahirap sa aral? Sayang lang ang perang ipinapadala ng Ama na nagdurusa.
Pasensya, Ama at Ina kung wala akong silbi. Lahat ng makakaya aking ginawa, ngunit sa inyo'y di sapat. Masamang ugali. Sino ang nagpalaki? Hindi man kayo, pero kayo din ay nagsala. Sa isang batang isinakripisyo, sino nga ba talaga ang may sala?