Unang Paksa
Maaliw na mundo, puno ng saya. Ang aking mga magulang, siyang aking mga tagapagligtas. Ang aking mga kapatid, at mga kaibigang nagbibigay kagalakan.
Mga alaala noon ay puno ng tawanan, ng mga laro sa ilalim ng araw. Malalapad na mga pangarap, tunay na mga ngiti. Ang mundo ay puno ng mga pag-asa at walang hanggang pagmamahal.
Humirap ang buhay, ang pamilya namin ay nawatak. Ang aking Ama ay naiwan sa Maynila, apat na anak bitbit ng aking Ina. Isang babae nagpapakatatag hindi lamang para sa sarili kundi pati na rin sa pamilya.
Pasaway, iyan ang laging bantag ng aking Ina sa akin. Isa, dalawa, tatlo, apat. Apat na anak, hindi kaya ng isang Ina. Merong asawa na karamay, ngunit pera lang ang bigay. Bakit kailangan ng pagmamahal kung meron ka namang makakain? Pikit matang lumulunok, sa pagkaing binili gamit ang pera ng asawang mapagloko.
Kayod dito, kayod doon. Laging pinapaalala ng aking Ama sa amin, pera niya ay kailangang pahalagahan. Kadyot dito, kadyot doon. Sabi ng mga matatanda sa amin. Yan, iyan daw ang gawain ng aking Ama.
Akalain, isang bata. Walang alam sa mundo, malalaman na ang Ama na kanyang tinitingala ay ibinababa. Kahihiyan, iyan daw ang dala ng aking Ama sa buhay naming pamilya.
Isa, dalawa, tatlo, apat. Apat na mga anak, isang Ina. Saan nga ba sila pupulutin? Sa mata ng iba buo pa ang aming pamilya, ngunit sa amin ay wasak na.
Meenie miney mo, ikatlong anak ko. Ikaw ang magsakripisyo. Pagod na ang iyong Ina, ikaw muna ay manirahan sa iba. Ako, ako ang naging sakripisyo.
Isa, dalawa, tatlo. Tatlong anak ang alaga mo Ina. Isa, isa sa mga magulang ng mapaglokong asawa. Magandang buhay ang hatid ng aking sakripisyo, marangya kumpara sa aking pamilya.
Makulay na buhay, ang mundo ay puno ng saya. Ngunit hanggang saan? Kung lahat ay may hangganan, pati rin ba ang kasiyahan?