...I...
Isang tahimik at maaliwalas na tanghali ang bumungad sa masayang araw ni Domma, kung saan ang bawat alon ay humahampas sa dalampasigan tila isang malakas na pag-pagpag, kasabay ng pagbigkas ni Francis sa dalawang magkasintahan sa kanyang harapan na sina Mia Cruzada, at Paul Vicienzo na sa mismong araw din na iyon ay ang kanilang pag-iisang dibdib.
Ang araw ay matirik at kay liwanag, ngunit ang init nito’y tila umaga, hindi gaanong mainit, hindi rin gaanong kalamig, sapat lang para sa sumasayaw na mga alon, at mga kumikislap na mga mata ng mga saksi sa kasal nina Mia.
Sa maputing buhanginan ng dalampasigan ay itinirik ang isang mataba at mahabang kawayan na isang disensyo kung saa’y bububungan ang ikakasal, sa paligid nito’y may mga iba’t ibang uri ng bulaklak, na nagbigay halimuyak sa ginaganap na kasalan.
“Ikaw lalaki, tinatanggap mo ba si Mia Cruzada, bilang iyong asawa, at nangangakong mamahalin habang buhay, sa hirap man o sa ginhawa?” bugtong ni Francis, tinig ay ‘di gaanong malalim.
“I do,” bigkas ni Paul, tumango si Francis sa tugon at lumingon kay Mia,
“Ikaw babae, tinatanggap mo ba si Paul Vicienzo bilang iyong asawa at nangangakong siya lamang ang mamahalin habang buhay, sa hirap man o ginhawa?”
“I do,” bugkas ni Mia, isang ngiti ang dumungaw sa mga labi nito, tanda ng kanyang masayang araw.
“Ito ang araw na kayo’y ikinasal, maaari mo ng halikan ang iyong asawa.” wika ni Francis kay Paul na dahan-dahang nilapitan si Mia, ang dalawang kamay nito’y hinawakan ang pisngi ni Mia at hinimas ang tainga ng mahinahon, sabay inilapat ang labi sa mapulang labi ni Mia.
Isang magarbong palakpakan, ang iba’y humiyaw, ang iba’y umiyak, at ang iba’y umawit.
Isang maliit na baul na puno ng iba’t ibang dahon ng bulaklak pinaulan habang ang mag-asawa’y nakangiti, mga mata’y kumikinang sa tuwa’t liagaya.
...II...
Makalipas ang ilang oras, at ang araw ay malapit ng sumawsaw sa asul na dagat, at ang liwanag nito’y dahan-dahang naglalaho, nagkaroon ng mumunting kasiyan sa dalampasigan at habang ang mga halakhak, at ang maiingay na hiyawan ay nagaganap, si Domma ay nananatiling naka-upo sa tabi ng maliwanag na kubo ng dalampasigan, ang itim na terno o pormal na damit ni Domma ay nakapitan ng mga malagintong buhangin, ngunit hindi ito binigyan ng pansin ni Domma.
Sa kanyang katahimikan, habang pinapanood ang mag-asawa, dahan-dahang lumapit si Francis kay Domma, isang mestisong lalaki, na nakausot na itim na terno tulad ng kay Domma, at umupo sa tabi nito.
Inalok ni Domma ng maiinom si Francis, isang inuming alak, ngunit tumanggi si Francis at biglaang nagsalita.
“Alam mo, kung hindi ko lang talaga pinakawalan si Mia, sana ako ngayon ang asawa niya.” bigkas niya, isang malumanay at tila lasing na tono.
“Ayos lang yon, makakatagpo ka rin ng para sa sa’yo.” Sambit ni Domma, habang ang araw ay tuluyan ng lumubog, at ang matamlay na liwanag ng buwan ang siyang pumalit. “Bata ka pa naman, marami ka pang makikilala, hindi tulad ko puro nalang kaso ang hinahawakan.” Dagdag niya, sabay alik-ik.
“Walang wala talaga kasi ako noon, siya lang nag balik ng ngiti ko mula nang mamatay si papa, alam mo yung pakiramdam na nabutas mo yung isang sakong ginto sa isang malalim na karagatan, ganoon ang pakiramdam ko kanina habang kinakasal ko ang dalawa. Pero sino ba naman ako? Kabigan nalang ako.” Pagd-drama ni Francis sa harapan ni Domma, habang ang mga pisngi nito’y unti-unting namumula sa dahilang siya’y naka-inom.
“Mabuti ang tatay mo, Francis. Gayahin mo na lamang siya, namatay ang iyong ina noong isilang ka, at mula noon hindi na naghanap ng babae ang tatay mo. Maliban na lamang kung hindi mo talaga kayang mag-isa.” Mahinahong tugon ni Domma kay Francis,
“Alam mo sir Domma, ikaw na ang sunod kong kinilalang ama nang mamatay si papa, ikaw lang ang kaibigan niyang nagpunan ng pagmamahal, kahit isang kaibigan lang.”
“Naalala ko tuloy nong bata kapa, ako pa ang bumibili ng laruan mo pag hindi pa sumasahod ang tatay mo. Minsan nga isinama kita, at itinuro ko yung isang bisikleta para naman matuto ka, pero iba ang kinuha mo, naalala mo pa?” pagbalik tanaw ni Domma sa nakaraan, kasabay ng hanging sa kanila’y nagpaginaw,
“Oo naman, kolorete!” Tugon ni Francis, sabay halakhak ng malakas, na nagbigay atensyon sa mag-asawa sa dalampasigan.
“Pumasok kana sa kwarto mo, lasing na lasing kana.” Sambit muli ni Domma.
Habang dahan-dahang inaakbay ni Domma si Francis upang tulungan makatayo’t makalakad, madaliang lumapit si Paul upang akuin ang pagtulong kay Francis.
“Sir, ako na po. Baka po madulas pa kayo.” bigkas ni Paul, habang dahan-dahang ini-aakbay ang kamay ni Francis sa balikat niya. At mahinahong naglakad papasok sa hotel, at naiwan si Domma at si Mia sa kubo.
Napansin ni Domma si Mia sa kanyang likuran at agaran niya rin itong binati:
“Congratulations nga pala ulit sa inyong dalawa ni Paul,”
“Maraming salamat po, ninong. Nag-enjoy po ba kayo? May handaan pa po tayo bukas.” Tugon ni Mia, ang tinig niya’y malambing tila isang maligamgam na tubig ang bumubuhos.
“Aba’y oo naman, nag-enjoy ako. Sayang nga lang at wala ang mga magulang mo rito, nasaan nga ba sila?” masayang tugon ni Domma,
“Wala na po sila, dalawang taon na po ang nakalilipas.” malumanay na bigkas ni Mia,
“Bakit hindi ko nalaman ito?”
“Sabi po kasi ni papa, baka raw po isipin ninyo na pagnalaman ninyong namatay sila, ay pinatay sila.”
“Bakit naman?” sabay higop sa alak ni Domma.
“Dahil ayaw daw po nilang mabahala kapa. Kasi po ang totoo niyan, pinatay sila.” Wika muli ni Mia, at ang mga luha sa kanyang mga mata ay dahan-dahang pumatak sa kanyang mga pisngi.
“Paumanhin, pero masaya ang araw na ito, hija. Sa susunod na mga araw na natin pag-usapan ‘yan kapag maayos na at tapos na ang kasiyahan. Sa ngayon ay sulitin mo itong araw mo kasama ng iyong minamahal.”
Nagkaroon ng sandaling katahimikan, ang ihip ng hangin ay tila nag-iba, bumilis ito at ang maliliit na patak ng ulan ay dahan-dahang bumibilis, kaya’t hindi pa nagdalawang isip sina Domma na pumsaok sa hotel.
Sa kanilang pagpasok bumungad sa kanila ang iba pang mga bisita, isang babaeng naka pula, kilay ay manipis, labi’y namumula sa kolorete, at matutulis na mga mata ang madaliang lumapit nang makita si Mia na basa ng ulan.
“Naku! Ba’t ka naman nagpabasa ka Mia,” tugon ng babaeng nakapula
“Ulan lang naman ‘to, ano ka ba.” Sambit ni Mia, “Oo nga pala, ito si ninong,” itinuro si Domma ng maliit na daliri ni Mia, “isang imbestigador ng mga tsismosang kagaya mo.” Pabirong bigkas ni Mia sa babae,
“Magandang gabi po, sir. Ako po si Faery, best friend po ni Mia.” Sambit na may maluwanag na ngiti ni Faery,
“Ikinagagalak kong makilala ka, buti nama’t may kaibigan si Mia, kahit..” udlot ni Domma, habang ang mga mata’y pabirong nandidiri, “paano.” Dugtong niya.
“Pala biro po pala kayo, o siya pasensya na po, palitan lang po namin tong damit ni Mia, balik po kami.”
Sabay tango si Domma.
...III...
Maya-maya'y bumalik na sina Mia at Faery, kanilang nakita si Domma na naka-upo sa isang upuan at nagbabasa ng mga lumang libro mula sa maliit na silid-aklatan ng hotel. Ito ay mahinang tumawatawa, tila’y nakakatuwa ang binabasa, kahit na ang bawat patak ng ulan sa bubungan ay nakagagambala, at ang hangi’y nanggigigil at nais pumasok sa pamamagitan ng bintana.
“Ninong, bumaba na po ba si Paul?” Tanong ni Mia, medyo pasigaw dahil sa lakas ng ulan sa labas.
“Hindi ko napansin, baka bumaba at tumaas ulit.” Tugon ni Domma habang nananatiling nagbabasa,
“Sige po, maiwan ko muna kayo. Timpla po muna ako ng kape para kay Paul.” Sambit muli ni Mia, sabay nagtungo sa kusina.
Sa pag-alis din ni Mia, na-upo naman sa tabi ni Domma si Faery, ang matulis nitong mga mata ay nakatulala sa nanginginig na bintana dahil sa hangin.
“Gaano na kayo katagal na magkaibgan ni Mia?” Bigkas ni Domma, biglaan, habang nagbabasa.
Sandaliang nagulat si Faery sa biglaang tanong, ngunit sumagot naman ito sa naaayon:
“Magta-tatlong taon na po, bakit?” tugon ni Faery, habang ang mga daliri nito’y hinihimas ang paso na may lamang tatlong rosas na ang isa’y lanta na.
“May alam kaba patungkol sa pagkamatay ng mga magulang niya?”
“Ano po? Wala po, hindi ko po magagawa yung ganun.” Madaliang bigkas ni Faery, ang boses niya’y nabalot ng pagtataka’t pagtatanggol sa sarili.
Umalik-ik si Domma sa naging reaksyon ni Faery sa kanyang tanong: “Pilyo ka rin ha.” Sabay tawa ulit, “Pero seryoso, may alam ka ba?” Bigla muling tumindig ang tono ni Domma, isang seryoso at malalim na tinig.
“Ang alam ko lang po ay wag namin sasabihin sa’yo kung sakaling mamatay sila.”
“Bakit naman?” tanong ni Domma, isang matining at matulis na tinig.
Napansin ni Domma na ang mga kamay ni Faery ay nanginginig ngunit hindi masyado, isang mahinahong panginginig, habang dahan-dahang inilalagay nito ang kanyang kamay sa ilalim ng lamesa, at ang noo ni Faery ay nakakunot, isang pangangamba o pagtatago ang ipinapahiwatig nito.
“Hindi na po ipinaliwanag ni tito, pero sabi niya ayaw po nilang magambala ka pa.”
“Hindi ko talaga maintindihan, bakit magagambala ako?”
“Hindi rin po tagala namin alam, sir.”
Nagkaroon ng matinding katahimikan sa pagitan ni Domma at ni Faery nang dumaan si Mia sa kanilang likuran at nagtungo sa taas, kasabay ng kulog ang ang mga yapak ni Mia pataas sa hagdan ay nangingibabaw, at habang sa kalagitnaan ng malalakas at mabibilis na patak ng ulan, isang hiyaw, ang gumambala sa kanila, hiyaw ni Mia.
...I...
Sa pagtili ni Mia, dali-daling nagtungo si Faery at si Domma sa kinaroroonan ni Mia, ang kulig ay sumasambay sa hagupit ng ihip ng hangin.
Sa kanilang pag-akyat, nakita nila si Mia na nakatakip ang mga mata, at pinalalayo sina Domma sa kwartong bukas ang pinto.
“Anong nangyari, Mia?” Tanong ni Faery, kabado.
“Doon muna kayo! Ang bastos ng asawa ko.” Wika ni Mia na tila naduduwal.
Hindi pinansin ni Domma ang pag-saway ni Mia, at ito’y nagtungo sa bukas na kwarto, sa kanyang pagpunta nakita ni Domma na dinadamitan ni Paul si Francis.
“Ano ‘to, Paul?” Tanong ni Domma, isang kalmadong tinig.
“Nagsuka po kasi si Francis, kaya pinalitan ko lang po ng damit.” Pagtatanggol sa sarili ni Paul.
“Naiintindihan ko, at amoy mapanghe rin. O siya, ang akala ko naman ay kung ano na.” Sambit ni Domma habang palabas ng kwarto, “Nilinisan lang naman pala ni Paul si Francis. Pagtapos niya roon kay Francis, matulog na kayo. Mauuna na ako, at gabi na rin.” Bigkas ni Domma kay Mia, at Faery.
“Opo.” Sabay na tugon ni Mia at Faery.
Habang ang ulan ay patuloy pa rin, ang patak nito ay unti-unti ng bumabagal, at ang hangin ay huminahon na rin, isang hudyat na ang ulan ay patila na.
Lumabas na si Paul mula sa kwarto:
“Pasensya na, Mia. Pinalitan ko lang ng damit si Francis. Marami ang nainom.” Panunuyo ni Paul kay Mia,
“Hayaan mo, babawi ako ngayon. Tutal bagong kasal naman tayo.”
“Magsaya kayong dalawa ha, papasok na ko sa kwarto ko. Enjoy!” Bigkas ni Faery, isang pabirong panghahamak.
...II...
Kinabukasan ay nagising nang maaga si Domma, ang hangin ay umiihip ng napakalambing, kasabay ng mga ibong humuhuni sa dalampasigan, ang kaluskos ng mga basang puno ay nagdadagdag aliw sa umaga, habang ang araw ay paunti-unting sumisilay sa parang.
Sa pagbaba ni Domma, may nakita siyang dalawang lalaki na nagkakape, ito’y magkaharap. Isa ay may bigote’t balbas, mestiso rin ito, malaki ang katawan at mga nasa trenta ang edad; habang ang kaharap naman nito’y sadyang maputi’t makinis, tila nahaluan ng ibang lahi, balbas lang ang meron ito, at binata.
Sa paglapit ni Domma sa dalawa, napansin nito si Domma at tumayo,
“Domma, my friend!” Biglang bati ng mestisong lalaki, “Nandirito ka pala.”
Napakunot ng noo si Domma, sapagkat hindi niya makilala ang lalaki, napansin ito ng lalaki:
“Ano ka ba Domma, ako to si Edward Cinco!”
Panandaliang lumaki ang mata ni Domma sa bigla, nang malaman kung sino ang kaharap niya.
“Ano? Ikaw na ba ‘yan? Gandang lalaki ah.”
“Oo naman, manang-mana sayo ‘to.”
“Bakit ka nga pala naparito?”
“Inimbitahan kami ni Mia na dumalo sa ikalawang araw ng kasal nila, at magsama raw ako, kaya ito! Isinama ko yung pamangkin ko,” sambit ni Edward, habang ipinapakilala ang pamangkin niya, “Siya si Hector Balucat, isang licensed doctor.”
“Hello po, nice meeting you po, sir Domma Santiago,” bigkas ng binata, ang tinig ay malamig at mababa.
“Aba kilala mo ako?”
“Opo naman po, ikinuwento ka ni tiyo.”
“Naku, salamat ha. Pagpasensyahan niyo dahil gabing-gabi na rin kami nakatulog, lalo na yung mag-asawa.” Wika ni Domma,
“Ayos lang yun. Ang mahalaga nakarating na rin kami, malayo-layo rin pala itong islang ‘to. Akalain mong walong oras ang biyahe pabarko papunta rito, pero sulit naman, maayos ang bintana, ang ilaw ay naka chandelier aakalain mong mga dyamante yan. At may mga maid din.” Pag-aanalisa ni Edward,
‘Lintikan, hindi pa rin nagbabago ang lalaking to, matalas pa rin ang mata’ bigkas sa sarili ni Domma, habang pinapansin ang bulsa ng jacket ni Hector, na tila may naka-umbok.
“Ano ‘yang nasa bulsa ng jacket mo, Hector?” Biglaang tanong ni Domma,
Agad namang kinuha ni Hector ang gamit na nasa kanyang bulsa, “Ito po ba?” Tanong niya habang dahan-dahang itinataas ang isang maliit na bote na may lamang tila tubig, “gamot po ito, pero paturok po. Isa po itong IV potassium, may Hypokalemia po kasi ako, kaya nasa jacket ko lang po ito para kung kailanganin ko ay magagamit kaagad, kasama rin po yung syringe.”
“Ah ganoon ba?” Sa pagbigkas ni Domma, ay bumati si Faery sa kanilang tatlo.
“Good morning po mga sirs. Sa’yo rin pogi.” Pabirong pagbati ni Faery,
“Magandang umaga rin binibini.” Tugon ni Edward, ngunit hindi na tuluyang pinansin ni Faery, bagkus ay pinansin niya kung ano ang hawak ni Hector.
“Hindi ba’t IV potassium ‘yan?” Tanong niya, ang tonon’y nananabik.
“Oo,” sagot ni Hector, habang ibinabalik sa kanyang bulsa.
“Bakit meron ka niyan?”
“For medication purposes.”
“Okay, if you say so.”
...III...
Ilang minuto rin ang lumipas, at nagising na rin ang iba; sina Paul, Francis, at Mia kasabay ng makapal na hamog na dulot ng ulan ay bahagyang bumababa. Si Mia at Paul ay naunang lumabas sa ikalawang palapag at sumunod si Paul na tila’y nahihilo pa rin.
Sa dahan-dahang pagyapak ng mag-asawa pababa sa hagdanan, nakita ni Mia ang isa pa niyang ninong na si Edward. Sa oras na ring ‘yon ay nagpahayag ng isang matamis na ngiti si Mia kay Edward, at nilapitan niya ito.
“Hello po ninong! Mabuti naman po’t naka punta kayo?” Sambit ni Mia, habang nasa gilid niya si Domma na nakikinig,
‘Ninong pala ni Mia si Edward?’ tanong sa sarili ni Domma, habang napapansin ni Domma sina Paul at Francis sa ibaba ng hagdanan na tila may importanteng pinag-uusapan, mga mata nila’y medyo matulis, mga noo’y nakakunot, mga bibig ay pabuling kung bumigkas.
“Paul!” Sigaw ni Mia sa asawa, “Halika rito,” at lumapit nga si Paul sa asawa, ang mukha’y gumaan, isang malawak na pagngiti ang inihayag, at napansin ito ni Domma.
Habang pinapakilala ni Mia si Paul sa ninong nito, nilapitan ni Domma si Francis sa ibaba ng hagdanan.
“Kumusta ang pakiramdam mo?” Bungad ni Domma,
“Maayos-ayos naman, medyo nahihilo pa rin. Pero ayos na.” Wika ni Francis, ang mga mata nito’y hindi nakatingin kay Domma, ngunit na kay Mia.
“May naaalala ka ba kagabi?”
“Wala naman,”
“Kahit yung pagsuka mo ng marami?”
Nagulat si Francis nang sabihin ito ni Domma, ang mga labi nito’y bahagyang ngumanga sa gulat, “Tagala bang nagsuka ako ng marami?”
“Oo. ‘yon ang sabi ni Paul, at nakita rin namin.”
“Ano nakita n’yo?” Tanong ni Francis may Domma, ang mga mata nito’y biglang tumuon kay Domma, at ang mga tainga nito’y sabik marinig ang tila hindi dapat niya marinig.
“Hindi ko naman talaga nakita, pero si Mia nakita kayo.” Isang panlilinlang na sagot ni Domma, upang kahit papaano’y mahimasmasan si Francis, “Siya nalang tanungin mo mamaya,”
At sabay na ngang pumunta sina Domma at Francis kung saan nag-uusap sina Mia at Edward,
“Sabi mo mag-akay ako ng makakasama kasi malayo-layo, kaya isinama ko na si Hector, ayos lang ba ‘yon?” Tanong ni Edward habang sina Domma’y papalapit.
“Oho naman po, sa totoo nga po niyan magkakilala po kami.” Sambit ni Mia, ang mga mata nito’y nag-alinlangan.
“Ganoon ba, sa papaanong paraan?”
Tumahimik si Mia nang biglaan, isang nakapagtatakang katahimikan ang bumalot sa kaniya.
“Pasyente ko po siya, mga 3 years ago, I assumed?” Pagsalo ni Hector sa nakasasakal na katahimikan ni Mia, mga mata nito’y nagbabanggaan sa ere, isang lihim, isang nakaraan.
“Oh siya, mag-almusal na muna tayo, pwede natin yang ituloy habang kumakain.” Wika ni Paul at sabay inalalayang umupo si Mia, “Francis tulungan mo ko,”
“Saan?” Tanong ni Francis,
“Sa pagkain, saan pa ba? Nandoon si Fae nagluluto.”
Sabay nagtungo sina Paul at Francis sa kusina, at isa isang umupo ang iba sa hapag-kainan, katabi ni Mia si Domma, at kaharap naman nila sina Hector at Edward, sa pagitan nila’y may mga kandilang naka tayo sa isang candlestick ang maliit nitong apoy ay yumuyugyog, kasabay ng halimuyak ng pritong bawang na naglalakbay kasama ng hangin sa ere.
Ang tatlong rosas sa gitna ng lihadong lamesang kahoy ay napansin ni Mia na isa sa mga rosas na nasa paso’y lanta na, at ang dalawa’y matayog pa.
“Well Domma, I really didn't expect you to be here.” Bigkas ni Edward, “Kasi ang huli nating kita ay halos walong taon na ang nakalilipas, ang laki na ni Mia at may asawa na, at kasama mo pa si Georgina non.” Masayang bigkas ni Edward, habang inaayos ang kanyang terno.
“Siyang tunay. Hindi ko rin akalaing ninong ka ni Mia,”
Tumawa ng panandalian si Edward, “Hay nako Domma, wala ka paring pinagbago, yang berde mong mga mata’y nananatiling matalas. Kung may pagkakataon lang, nais ulit kitang makatrabaho.”
“Ano po bang trabaho ninyo noon?” Tanong ni Mia, mga mata niyacy kumikinang nang marinig ang pag-uusap ng kanyang mga ninong,
“Hija, mga imbestigador kami noon—ibig kong sabihin ako, pero dahil sa isang mahirap na kaso kung saan una kong nakasama at huli kong nakasama si Domma, nabaril ang isa sa mga binti at hita ko, kaya hindi na ako makakatakbo at makaka hawak ng kaso.” Pagsasalaysay ni Edward, “Kaya ito ako ngayon, isang tindero nalang, ang mga anak ko nalang ang sumusustento sa akin.”
“Grabe naman po pala ang nangyari, kaya pala iba ang tensyon sa inyong dalawa ni ninong Domma, mala astig.” Sabay halakhak nina Edward, “Pero…” pabiting bigkas ni Mia, at sabay tingin may Domma, “Sino po si Georgina?”
Nagkapalitan ng tingin sina Domma at Edward, mga matang malalim at patago.
“Wala lang ‘yon. Kalimutan mo nalang,” pagtatanggi ni Domma, habang ang tinig ay may kaonting lumbay.
“Ito na ang pagkain!” Bati ni Faery papalit sa lamesa, “Ubusin n’yo yang niluto ko ha.”
Sa pagdating ni Faery ay nabasag ang tensyon sa mga naka-upo habang tahimik lang na nakikinig si Hector.
Sumunod na rin sina Paul at Francis sa paglagay ng mga pagkain sa lamesa, sa paglagay naman ni Paul ng kanin sa lamesa sa harapan ni Mia, napansin ni Mia na ang palasingsingan nitong daliri, ang singsing ay wala.
“Nasaan ang sing-sing mo, Paul?” Tanong na matulis ni Mia,
“Ahh, ehh… nasa kama natin. Saglit lang at kukunin ko.” Nagmadaling kunin ito ni Paul sa kanilang kwarto,
Ngunit para kay Domma, may mali talaga. Sa pag-akyat ni Paul, isa-isa niyang pinagmasdan ang mga wangis at postura ng kaniyang mga kasama, mula kay Mia na tila nababagabag, kay Hector na tila’y tahimik ngunit ang presensya’y kakaiba, kay Edward na ang mga ngiti’y tila nanlilinlang, kay Faery na ang mga mata’y puno ng lihim, at kay Francis na ang bawat kilos ay tiklado sa normal, at ang huli naman ay kay Paul na tila’y hindi mapakali kada kaharap ang asawa.
Sa pagbaba ni Paul, at tumabi kay Mia suot-suot ang singsing, habang ang bawat isa’y kaniya-kaniya ng kumukuha ng pagkain, nagtanong si Domma, isang hindi akmang katanungan.
“Tama ba yung kwartong pinasok mo?” Tanong ni Domma, ang boses ay pabulong, na siya ring narinig ni Mia.
“Bakit po ninong?” sagot ni Mia
“Wala naman.” Habang nakatingin kay Paul, at si Paul nama’y nakatingin kay Domma na hindi nakasagot.
...IV...
Makalipas ang ilang minuto at natapos na ring kumain ang lahat. Ang mga babasaging pinggan ay dahan-dahang kinukuha ng mga maids, kasabay ng mga baso’t kubyertos.
Tumayo si Hector at nagtungo sa kusina, napansin ni Domma na habang patungo si Hector sa kusina ay binunot nito ang potassium na nasa kanyang bulsa kasabay ng panturok.
Kasabay nito ay humiling ng isang basong wine si Mia sa kanyang asawa na si Paul. Bawat isa ay tahimik, mga nag-aayos, sa kalagitnaan ng kanilang katahimikan, ang mga huni ng ibon at ang patuloy na pag hampas ng alon sa dalampasigan ang kanilang naririnig; mula sa pag-ihip ng hanging may dalang init, hanggang sa pag-sayaw ng mga punot't ang katahimikan ay nananatili.
Kinalaunan ay bumalik si Hector, mukhang masigla, makikita sa kanyang mga mata na medyo masaya. Bumalik na rin si Paul hawak-hawak ang isang champagne glass na may lamang wine, isang red wine.
Sa pagdaan nito kay Domma, na-amoy ni Domma ang halimuyak nito, tila isang ubas sa talahiban ang amoy, para sa kanya ay normal at nakaka-aliw.
Iniabot ni Paul ang baso, at uminom na rin si Mia, isang maliit na higop.
“Bakit hindi tayo lumangoy?” Pag-aliw ni Edward sa iba at sa kanyang sarili.
“Patirik ang araw, mukhang mainit.” Sagot ni Paul kay Edward.
“Ayos lang naman sa akin, inaaya ko lang naman kayo. Ikaw ba Hector?”
“Hindi po, magpapahinga nalang muna ako,” sabay tayo si Hector at nagtungo sa ikalawang palapag. Kung saan sinabi na ni Mia kanina kung saan ang kwarto nila.
“Ikaw sir Domma, hindi po ba kayo maliligo sa dagat, kahapon pa po kayo hindi nababasa ng dagat.” Pag-aaya ni Faery kay Domma, na may tinig na mapaglaro.
“Hindi naman kasi ako mahilig lumangoy, isa pa. Nandito ako para bantayan tong mga batang ito, kasama ka.” Tugon ni Domma, habang tumatayo sa kanyang kinauupuan.
“Basta mamayang gabi mag-paparty tayo!” Hiyaw ni Faery, sa sobrang ligaya.
“Tama kaya mag-eenjoy po kayo rito, kasi bukas aalis na rin tayo dito uuwi na tayo sa kanya kanya nating lugar.” Bigkas ni Francis,
“Kaya sulitin natin tong magandang lugar, kasi isang beses lang naman kami ikakasal ni Mia,” pabirong bigkas ni Paul, na siya namang nagbigay ngiti sa bawat isa.
Sa halakhakan ng bawat isa, napansin ni Domma na iba ang ngiti ni Paul kada tumitingin kay Faery, tila malagkit at matamis na pagtitig.
Habang kay Francis naman ay mga matang tila nanghihinayang kay Mia.
Pasensya na kayo, parang inaantok pa ata ako.” Sambit ni Mia,
“Bakit anong meron?” Tanong ng asawa.
“Grabe ka naman Paul, pinagod mo naman kaagad si Mia.” Pabirong bugkas ni Faery, sabay tawanan.
“Kayo talaga, pero parang ganon na nga, napagod ata ako ng todo kahapon.”
At umakyat na sa itaas si Mia, at naiwang halos walang bawas ang kanyang basong may wine.
Sa pagtataka, napatingin si Domma sa basong ininuman ni Mia, at ang pagtatanto na masigla si Mia kanina pa, ngunit sa mga oras na ‘yon hindi na.
At kanya-kanyang galaw na sa kanialng mga gagawin, si Edward maliligo, si Hector ay nagpapahinga na, si Paul ay kasamang lumabas sa Hotel si Francis, si Faery naman ay umakyat na rin, at si Domma ang naiwan sa lamesa.
Inamoy niya muli ang wine, habang pinakikiramdaman kung may nakatingin nga, pero sa kanyang pag-aanalisa walang ibang amoy, tinikman niya rin ito at nag antay ng ilang segundo, pero wala paring talab, kaya’t napaisip siya na baka talagang pagod si Mia.
...I...
Sumapit ang gabi, isang nakatitindig na ginaw ang bumalot sa isla, ang oras kung saan isang kasiyahan—huling kasiyahan, na magaganap sa isla. Lumabas si Domma sa hotel upang makalanghap ng masimoy at komportableng hangin. Ang bawat kaluskos ng mga matatayog na puno ng niyog, mga along tumutugtog sa bilis, mga bituing kumikinang sa tabi ng buwan na ang liwanag ay kay tamlay, ang bawat isa ay sumunod upang makalanghap din ng hangin.
“Kay lamig ng hangin ngayon, Domma.” sambit ni Edward sa tabi Domma,
“Kahit papaano'y muli nating naranasan ang ganitong hangin sa edad natin na'to, kahit ilang oras o minuto lang na gan'to ay napapasaya na ako.” wika ni Domma habang nakikinig sa hampas ng mga alon
“siyang tunay,” sambit ni Edward sabay lingon sa kanyang likuran, “Oh ayan na rin pala sila,”
“Handa na po ba kayo, mga sirs?” tanong ni Faery habang may mga ngiti sa labi,
“Saan?” tanong ni Edward, habang pinagmamasdan ni Domma sina Paul at Francis na ang tinginan ay tila nakaka-suspetsa
“Sa party!”
“Ako na ang gagawa ng bonfire,” Pag-ako ni Hector, “saan na may kahoy dito?” dugtong niya.
“Ang alam ko sa may kubo, pero baka basa ngayon 'yon dahil umulan.” sagot ni Faery,
“May mga mushrooms at may marshmallows kaming dinala, nandoon din sa kubo, pwede bang pakuha Francis?” pasuyo ni Mia, habang nakahawak kay Paul.
Sa bawat pag-aayos ng mga gagamitin sa huling pagdiriwang sa isla, na-upo si Mia at si Faery sa buhanginan, at napansin ito ni Domma. Samantalang si Paul ay sinundan si Francis sa kubo, walang ano mang aberya ni kaguluhan, mga mata ng bawat isa'y masisigla't nananabik sa pagdiriwang.
Ngunit isang problema kay Domma ang nangyayari, bakit? Ayon ay hindi niya rin maipaliwanag, isang hindi malamang dahilan, isang kutob, isang pakiramdam na may mangyayaring hindi tama, sa dulo ng isip ni Domma ang mga mangyayari'y kanyang hinuhulaan habang pinagmamasdan ang ngiti ng bawat isa.
...II...
Ilang minuto rin ang lumipas ang bonfire ay masiglang umaapoy sa tabing dagat habang napapalibutan ng bawat isa. Sa kanan ni Domma ay naka-upo sina Hector at Edward, sa kanyang kaliwa ang mag-asawa, sa kanyang harapan ay si Faery at Francis.
Habang unti-unting nauubos ang kahoy at nagiging abo, ang bawat isa ay unti-unti na ring nanghihina, ang masiglang awitan ay unti-unti ring nawawala ng dahil sa sobrang daming nainom.
Bago pa man matuluyang malasing ang lahat, tumayo si Hector—tumalikod sa kanila, napansin ito ni Domma, sa pagtalikod nito, kinapa ni Hector ang kaniyang mga bulsa, mula sa kanyang jacket hanggang sa pantalon. Habang ang iba ay nag-aaliwan, si Hector ay hindi mapalagay, kapkap sa kanan, kapkap sa kaliwa, ang hinahanap niya'y hindi makapa-kapa, at alam ni Domma kung ano ang hinahanap ni Hector.
Sa kabalisaan ni Hector, ay nilapitan na ito ni Domma, at tinanong:
“Anong hinahanap mo, ba't 'di ka mapakali?”
“Ah! Yung potassium ko po parang nawawala, pero alam ko kasi nasa bulsa ko lang 'yon.” balisang tugon ni Hector, habang ang mga mata'y dahan-dahang namumutla.
“Saan mo ba inilagay isipin mo,” pag-aalalang tanong ni Domma, dahil tila nahihirapan na si Hector sa kanyang pag-tayo't paggalaw
“Pa…sensya na po, sir. Baka pwede n'yo po akong bigyan ng avocado kailangan ko lang po talaga ng potassium ngayon.” pasuyo ni Hector habang dahan-dahang ini-uupo ni Domma
Lumingon si Domma sa mga kasama at napansing tila wala na talaga silang paki-alam sa paligid at ma-impluwensiyahan na ng sobra ng alak. Nagmadali na ring kumuha ng avocado si Domma sa loob ng hotel, at sa kanyang pagpasok napansin ni Domma na ang tatlong rosas sa gitna ng lamesa, ang isa ay patay na o tuluyan ng nalanta, ang mga itim nitong dahon ay nasa lapag na.
Binalatan na ni Domma ng mabilisan ang avocado at dalian ding lumabas at ibinigay kay Hector, sa panandaliang katahimikan ay biglang nagsalita si Faery, isang nakagugulantang na wika:
“Mahal pa kita, Paul.” bigkas niya sa harap ng kanyang mga kasama, “Bakit mo ba kasi ako hiniwalayan, sana ako na ang asawa mo, hindi yang si Mia.” dagdag niya habang nakayuko't nakapikit.
Tumawa si Paul at Francis habang pinipilit idilat ang mga mata,
“Anong tinatawa-twa n'yo? Totoo sinasabi ko!”
Sumagot si Francis habang namumula ang pisngi: “Isa lang naman mahal niyan ni Paul, 'di ba?” tanong niya kay Paul, habang ang mata'y mapaglaro,
“Sino si Mia? Naku! Hindi niya mahal 'yan, niloloko n'yo lang best friend ko!” bigkas ni Faery na medyo malakas at galit,
Habang nag-uusap ang tatlong mga lasing na kasama nina Domma, nag-usap din sina Domma at Hector, isang normal na pag-uusap.
“Nakamatuwa lang na kaya nilang magbiruan na hindi nasasaktan,” bigkas ni Hector habang naka-upo katabi ni Domma nagpapahinga,
Tumango si Domma at sumagot: “Buti na lamang at tulog na ang dalawa nilang kasama, lalo na si Mia, kung hindi lalong iingay.” tugon ni Domma habang pinapanood ang tatlong tumatawa't nagbibiruan.
“Tama po kayo, sir. Sa ganoong pangyayari ko po nakilala si Mia.” pag-amin ni Hector kay Domma.
“Paanong paraan? Sumisigaw o gumagawa ng gulo?” tanong ni Domma habang bahagyang tumawa,
“Pareho po kaming nasa bahay-aliwan noon. Ang totoo po niyan mga bata pa kami n'on at nagtatrabaho ako room bilang isang waiter, napagsilbihan ko sila noon.”
“Naiintindihan ko, ta's nahumaling ka ba sa kanya?”
“hindi po, kasi noong pinagsilbihan ko po sila noong una naming pagkikita, masaya siya kasama niya yung lalaki—yung Francis, iba pa po hitsura ni Francis noon, at masaya silang nagpupunta roon, nakakatuwa nga lang po at ako lagi ang nakakapagsilbi sa kanila.”
“Ah, naabutan mo pala silang mag-kasama,” pa udlot na wika ni Domma, habang pinapanood ang tatlo sa buhanginan.
“Pero dumating po ang isang araw kung saan pumunta si Mia nang siya lang mag-isa, wala na yung Francis at medyo malungkot din siya nong mga panahon na 'yon. Doon po kami nag-kakilala ng tunay,” dagdag ni Hector, habang ang mga mata'y tila nais magtago,
Hindi naman mangmang si Domma, sa tonong nalulumbay at nanghihinayang ni Hector, sa mga mata nitong nag-aalinlangan, alam na ni Domma kung ano ang tinutukoy ni Hector;
“Dahil sa kalungkutan ni Mia, at dahil din bahay-aliwan 'yon. Parehas kayong natukso, tama ba ako?“ Tanong ni Domma, isang mahinahon ngunit tindig na tanong.
“Ganon na nga po, kaya nang kinaumagahan ay hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko, baka maging ama kaagad ako, wala pa akong kaya, mahirap pa ako noon.” pagsasalaysay ni Hector habang ang mga mata nito'y dahan-dahang nalumbay, marahil sa pagsisi, marahil ding nagsala siya, siya lamang ang nakaka-alam.
“Anong ginawa mo?”
“Pagtapos non ay hindi na muling bumalik si Mia, hinantay ko siya, pero ni isang beses ay hindi na siya muling bumalik, kaya hinanap ko na po siya, dahil natatakot akong baka buntis siya.”
“Kung malaman mo bang nabuntis siya pananagutan mo ba?”
“Opo, kaya ko nga siya hinanap. Kaya isang beses po nang malapit ko ng makalimutan si Mia, may nagpunta po sa aking babae, galit-galit halos umusok na ang tainga sa galit.”
“sino raw iyon?”
“Nanay po ni Mia, sinaktan po ako, pinagbabato ng bote na nag-agaw ng atensyon ng mga tao, napuno ako ng kahihiyan habang ipinamumukha sa akin kung paano ko raw binaboy si Mia, halos bawat masasakit na salita'y sinalo ko. Ipinaliwanag ko naman na kaya kong panagutan ang anak nila pero ayaw nilang makita ko si Mia,” patuloy na pagsasalaysay ni Hector, habang ang kamay ay madiing nakatiklop, mga galit na namuo sa mahabang panahon, mga ugat nito'y bumakat sa kanyang balat, habang nakatiklop ang kamao, “Ang hindi ko lang po matanggap ay pinilit nilang ipalaglag ang bata—ang anak ko!” dagdag niya, sabay sumuntok sa buhangin, ang mga ngipin niya'y nagdikit sa gigil.
“Huminahon ka, wala ng magagawa ang galit mo, tapos na 'yon at nakalipas na.” pagpapakalma ni Domma, habang may awa sa mga tinig.
“Mabuti nga't namatay yung mga magulang ni Mia makalipas ang ilang taon,” bigkas ni Hector habang madaliang tumayo at pumasok sa hotel.
Naiwan si Domma at ang limang naka-upo malapit sa bonfire, ang hangin para kay Domma ay nakakasulasok, hindi niya alam kung ano ang gagawin, ngunit kahit papaano ay tila gumaan ang pakiramdam niya nang malaman kung paano nagkakilala sina Mia, pero ang hindi mabuting pakiramdam ay nananatili sa kanyang dibdib, ang ihip ng hanging nakakasulasok ay dahan-dahan siyang sinasakal.
Download MangaToon APP on App Store and Google Play