Wrong Way (Tagalog) {Chapter 1}

#shortstory

#VerKwan🥀

\=\=\=

“Seungkwan-hyung, sigurado ka bang tama 'tong dinadaanan natin?” tanong ni Hansol sa kaibigan niyang kasalukuyang nag-aayos ng buhok.

“Tama 'yan, eto oh, kita ko sa google map,” sagot naman nito habang tinuturo ang cellphone niya.

Ilang oras na silang bumi-biyahe sa isang liblib na lugar. Masukal din ang daanan dahil sa mga damong nakapaligid sa gilid ng makipot na daan.

Dumidilim na rin kaya nahirapan silang tahakin kung nasaan nga ba ang tamang lugar na dapat daanan.

Hirap na pinasok ng kotse ng magkaibigan ang daan papunta sa bahay ng kanilang lola.

Hindi nagtagal at narating na nila ang bahay na kanina pa nila hinahanap. Nasa lugar siya kung saan walang masyadong bahay, nakahiwalay sa karamihan na lubhang ipinagtaka ng dalawa.

Pagkarating ng dalawa ay agad nilang inilibot ang kanilang tingin sa paligid. Madilim na paligid ang sumalubong sa kanila. Tanging mga ilaw lang ng bahay ang nagsisilbing liwanag sa gitna ng dilim. Unang bumaba sa kotse si Hansol, at sinundan naman ni Seungkwan.

Napatingin sila sa gawing kanan at roon ay nakita nila ang isang bahay kubo, may narinig din silang kakaibang ingay galing sa bahay kaya agad na lumapit si Seungkwan sa tabi ni Hansol.

“Narinig mo ba yun?” pabulong na tanong ni Seungkwan kay Hansol na inilapit pa ang bibig nito sa tainga ng kasama.

Tahimik namang tumango si Hansol. Nagsitayuan din ang kanilang mga balahibo sa katawan ng may dumaang napakalamig na hangin sa kanilang harapan.

“Andiyan na pala kayo mga apo,” pagbati ni Aling Linda, lola ng dalawa.

Sa gulat ni Seungkwan sa matanda ay agad itong napahawak sa kaniyang dibdib at hinimas ito. “Diyos ko po! Nakakagulat ka naman lola,” agad nitong tugon pagharap niya sa matanda.

Lumapit naman si Hansol sa lola niya at nagmano. Sumunod na rin si Seungkwan, pagkatapos ay niyaya na sila ng kanilang lola sa loob ng bahay.

Pagpasok nila ay agad na tinanong ni Seungkwan sa kaniyang lola kung ano ang narinig nila mula sa kabilang bahay.

“Yung ingay bang iyon? Siguro'y sinasapian nanaman ng masamang espirito si Bell.” pagpapaliwanag ng matanda habang naghahanda ng pagkain para sa dalawa.

“Sapi? Totoo po ba iyon?” kuryos na tanong ni Hansol habang inaalalayan si Aling Linda na maghain ng pagkain. Si Seungkwan naman ay naupo na sa kabilang side ng mesa.

Agad namang naupo ang matanda at si Hansol ng matapos itong maghanda.

“Totoo ang sapi, ang kuwento'y bata pa lamang si Bell ay lapitin na siya ng mga engkanto,” ani ni Aling Linda. Tahimik namang nakikinig ang dalawa na tutok na tutok sa kuwento ng kanilang lola.

“Ilang beses na nilang ipinatawas at ipina-albularyo yan pero ayaw pa rin tantanan ng espiritung sumasapi. Ang sabi’y may gusto raw ang engkanto kay Bell, kaya nung nag-asawa ang dalaga, mas lalong nagalit at bumangis ang pagpaparamdam ng masamang espirito.” pagpapatuloy ni Aling Linda sa kwento.

Hindi umiimik ang dalawa, puro lamang sila lunok ng kanilang sariling laway. Medyo namutla na rin ang labi ni Seungkwan na tila ba anumang oras ay pwede siyang himatayin.

“Pero lola hindi naman po nananakit yung sumasapi 'no?” kalmadong tanong ni Hansol.

Natahimik ang matanda ng ilang segundo saka sumagot, “Minsan tuwing hating gabi'y pagala-gala si Belle, walang nakasisiguro kung siya nga ba ang pumapatay sa mga lalaking may asawa rito pero ayun ang hinala ng iilan. Kaya't tuwing gabi'y hindi na lumalabas ang mga lalaking may asawa rito sa baryo dahil na rin sa takot.” pagtapos ni Aling Linda sa kuwento.

“Nakakatakot naman po 'yan lola,” nag-aalalang tugon ni Hansol.

“Hindi lang nakakatakot, nakakawindang pa. Tara na Hansol, umuwi na tayo!” nanginginig na tugon ni Seungkwan.

Tinawanan lamang siya ng matanda at tsaka sinabing, “Pasensya na sa nakakatakot na pagsalubong. Oh siya sige at magsikain na tayo!”

Bigla namang umalingawngaw ang alulong ng aso na mas nagpatakot sa napakatahimik na gabi.

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download MangaToon APP on App Store and Google Play